25/09/2025
Pagod na kami, Ralph Recto.
Bawat taon na lang, may bagong tax reform. Ngayong 2025, ikaw na naman ang pasimuno. May panibagong VAT Rationalization, fuel excise indexation, at kung anu-ano pang panukala na pormal pakinggan, pero sa totoo lang, dagdag na gastos na naman para sa amin.
Kami na naman. Kami na sumusunod sa batas, nagbabayad ng buwis, naglalagay ng TIN sa resibo kahit hindi naman kami mayaman. Kami na kulang ang kita para makaangat, pero sobra para mawalan ng ayuda. Kami na laging sakto lang, pero kami rin ang laging pinipiga.
Oo, naiintindihan namin na kailangang pondohan ang serbisyo publiko. Pero bakit kami na nagbabayad na ng VAT sa kape, pamasahe, gamot, load, tuition, at halos lahat ng bilihin ang palaging target? Samantalang yung may mga tax avoidance scheme, accountant, trust fund, at offshore account, hindi man lang nadadampian.
Ayon mismo sa Department of Finance, 84 percent ng income tax ay galing sa mga empleyado at self-employed, hindi mula sa pinakamayayaman. Samantalang ang pinakamalalaking korporasyon, marami pa ring legal na palusot gaya ng transfer pricing at revenue shifting para magmukhang lugi sa papel. At ang mga sobrang yaman, halos hindi pa rin natatamaan dahil walang wealth tax sa Pilipinas.
Kahit saan mo tingnan, regressive ang VAT. Iisa ang rate para sa lahat, pero mas mabigat sa mahihirap. Ito ang dahilan kung bakit matagal nang sinasabi ng mga ekonomista at ikaw rin mismo noon na hindi dapat palakihin ang VAT nang walang safeguards. Pero ngayon, pinapalawak pa ito sa digital services, na kunwari ay para sa level playing field, pero ang ending, ang user fee at service charges, ipinapasa sa ordinaryong consumer.
Hindi ba’t sa Section 28 ng Tax Code nakasaad na dapat based on taxpayer’s ability to pay ang buwis? Pero ngayon, parang basta may butas sa koleksyon, kahit sinong tamaan, isasalpak ng panibagong buwis.
Ralph Recto, kilala kang mahusay (daw) sa ekonomiya at budget. Pero sana maramdaman mo rin kung paanong bawat panukala mo ay may dagdag na kabig sa amin. Wala kaming PR team. Wala kaming tax shelter. Pero kami ang laging nasa pila ng BIR. Kami ang madaling habulin. Kami ang walang pambayad ng abogado o tax consultant.
Bakit hindi buwisan ang yate, jet, private island, at luxury estate? Bakit hindi habulin ang mga multinational na may bilyong kinikita rito pero halos walang binabayarang buwis? May panukala nang wealth tax, House Bill 10253, mula pa 2021, pero hindi pa rin gumagalaw. Samantalang kapag VAT o excise tax, kaya ipasa sa committee level sa loob ng isang linggo.
Kapag may sinasabing rebate o exemption, ang daming kondisyon. Ang tagal bago maramdaman. At madalas, hindi lahat makikinabang. Pero ang buwis, agad-agad. Kaya kami ang napipilitang magbawas ng grocery, maghanap ng mas murang eskwelahan, magtipid sa gamot.
Hindi kami galit. Pero pagod na kami.
Pagod na kaming gawing parang ATM. Habang ang mga tunay na may pera, may koneksyon, at may kapangyarihan ay tahimik lang sa likod ng tax holiday, legal engineering, at lobbying. Pagod na kaming tanggapin na bawat bagong buwis ay para sa ikabubuti ng bayan, pero sa dulo, kami lang ang nabubutas.
Kung tunay na reporma ang hanap mo, bakit hindi sa taas ka magsimula?
Hindi kami kontra sa reporma. Pero sawa na kaming kami palagi ang ginagawang bayani ng kaban ng bayan. Kami lagi ang sinisingil. Samantalang yung mga mayaman, parang di mo man lang maramdaman na natapyasan.
Pagod na kami, Ralph Recto. Sana ngayong 2025, ikaw naman ang makinig. Huwag mo na kaming dagdagan pa ng buwis.
Kami na ngang hindi umaasa ng libre, kami pa ang sinisingil ng sobra.
—
Comment the following for the post to reach more Filipinos:
1.
2.
Support your favorite unpaid troll-slayer. Keep this page independent—dahil ang utang na loob ko ay sa taumbayan. Donate to help fight fake news and fuel my chismis with receipts: https://www.facebook.com/share/p/1ZnstFdqTo/?mibextid=wwXIfr