DWOK FM 107.9 - Ang Bigwas Station

DWOK FM 107.9 - Ang Bigwas Station HIMPILANG SUMBUNGAN NG BAYAN Joint this page

US HUMIHILING NG EXTRADITION KAY QUIBOLOYKinumpirma ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na nagpadal...
21/08/2025

US HUMIHILING NG EXTRADITION KAY QUIBOLOY

Kinumpirma ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na nagpadala na ang Estados Unidos ng mga dokumento sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kanilang kahilingan na maipa-extradite si Apollo Quiboloy.

Ayon kay Romualdez, mula pa noong Hunyo ay hinahangad ng gobyerno ng Amerika na ma-turn over sa kanila ang televangelist.

Samantala, tumanggi ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magbigay ng pahayag at itinuro ang DOJ bilang pangunahing ahensya na hahawak sa naturang usapin.

Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kaso sa United States District Court, Central District of California sa Santa Ana. Kabilang dito ang mga paratang ng s*x trafficking of children, conspiracy to engage in s*x trafficking by force, fraud, and coercion, at bulk cash smuggling. Dahil dito, isang federal arrest warrant ang inilabas laban sa kanya noong Nobyembre 10, 2021.

Matatandaang inaresto si Quiboloy matapos ang ilang buwang pagtatago at kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail.

DUTERTE CAMP MULING NAGHAIN NG MOSYON PARA SA PANSAMANTALANG PAGLALAYA SA ICCNagpetisyon muli ang mga abogado ni dating ...
21/08/2025

DUTERTE CAMP MULING NAGHAIN NG MOSYON PARA SA PANSAMANTALANG PAGLALAYA SA ICC

Nagpetisyon muli ang mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) pre-trial chamber upang agad aksyunan ang kanilang hiling na pansamantalang palayain ang dating lider, isang buwan bago ang itinakdang confirmation hearing sa The Hague.

Sa dokumentong inihain noong Agosto 19, na may ilang bahagi ay hindi isiniwalat sa publiko, iginiit ng depensa na nararapat bigyan ng kalayaan si Duterte sa ilalim ng anumang kondisyon na ipapataw ng korte.

Binanggit din sa mosyon na maaaring hindi na kailanganin ang personal na presensya ni Duterte sa confirmation proceedings, at kung kinakailangan, maaari itong isagawa sa pamamagitan ng online videoconference.

Samantala, kinuwestiyon ng punong abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufmann ang argumento ng Prosecution na dapat mayroong ad hoc cooperation agreement bago magbigay ng pansamantalang paglaya. Aniya, hindi makatotohanan ang paninindigang ito dahil dalawa lamang na bansa ang may kasalukuyang kasunduan sa ICC.

DOH NANINIWALA NA POSIBLENG MAIPATUPAD ANG ZERO BALANCE BILLING SA LAHAT NG OSPITALNaniniwala ang Department of Health (...
21/08/2025

DOH NANINIWALA NA POSIBLENG MAIPATUPAD ANG ZERO BALANCE BILLING SA LAHAT NG OSPITAL

Naniniwala ang Department of Health (DOH) na posible ring ipatupad ang zero balance billing (ZBB) hindi lamang sa mga DOH hospital kundi maging sa iba pang ospital sa buong bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ginagawa ng ahensya ang lahat upang mapataas ang PhilHealth benefit package, na magiging susi sa pagpapatupad ng nasabing polisiya.

Ayon sa kalihim, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat ipatupad ang ZBB sa lahat ng DOH hospital, maging sa basic o ward accommodation.

Dagdag pa ni Herbosa, bago pa man ianunsyo ng Pangulo ang naturang programa ay nakapagsagawa na ng pilot implementation ang DOH at napatunayang kaya itong ipatupad sa kanilang mga ospital.

Ang Zero Balance Billing ay bahagi ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth, na layong masiguro na hindi na mahihirapan sa gastusin ang mga pasyente, lalo na ang mga indigent patients, kapag sila’y na-ospital.

DSWD TIYAK NA MAGPAPATULOY ANG AKAP KAHIT WALANG PONDO SA 2026 BUDGETTiniyak ng Department of Social Welfare and Develop...
20/08/2025

DSWD TIYAK NA MAGPAPATULOY ANG AKAP KAHIT WALANG PONDO SA 2026 BUDGET

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpapatuloy ang programang Ayuda Para sa Kapos sa Kita (AKAP) kahit wala itong alokasyon sa panukalang 2026 national budget.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, may natitira pang ₱11 bilyon na maaaring gamitin hanggang 2026 para ipagpatuloy ang programa.

Bagama’t tinawag ng ilang mambabatas na “bagong pork barrel” ang AKAP, iginiit ng DSWD na sila lamang ang may kapangyarihang mamahagi ng ayuda para sa mga pamilyang kapos sa kita.

Giit naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, bahagi pa rin ng kanilang mga pangunahing programa ang AKAP, kasabay ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at emergency cash transfers para sa mga biktima ng kalamidad.

Samantala, binigyang-diin ni Sec. Pangandaman na nakadepende pa rin sa Kongreso kung muling bibigyan ng pondo ang AKAP para sa susunod na taon.

Sa kabuuan, may ₱220 bilyon na pondo ang nakalaan para sa DSWD sa 2026.

DEPDEV SUSUYURIN ANG HIGIT 9,000 FLOOD CONTROL PROJECTSTiniyak ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPD...
20/08/2025

DEPDEV SUSUYURIN ANG HIGIT 9,000 FLOOD CONTROL PROJECTS

Tiniyak ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na kanilang iinspeksyunin ang mahigit 9,000 flood control projects sa buong bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), sinabi ni Sec. Balisacan bilang tugon sa interpelasyon ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon na uunahin nilang repasuhin ang malalaking flood control projects mula 2022 hanggang 2025.

Ayon sa kalihim, bahagi ng estratehiya ang pagtukoy kung ang mga proyekto ay kung naipatayo ba nang buo, gumagana o partially operational, may sira o depekto, at epektibong nakakatugon sa pagpigil at pagpapahupa ng pagbaha.

Nilinaw ni Balisacan na hindi tungkulin ng kanilang review na tukuyin kung sino ang guilty o hindi, subalit maaari itong magsilbing batayan para sa mga ahensiya tulad ng COA, Ombudsman, o DOJ upang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon at maghain ng kaso kung kinakailangan.

SC PINAGKUKOMENTO ANG MGA RESPONDENTS SA PETISYON NI MACALINTAL LABAN SA PAGPALIBAN NG BSKE 2025Pinagkukomento ngayon ng...
20/08/2025

SC PINAGKUKOMENTO ANG MGA RESPONDENTS SA PETISYON NI MACALINTAL LABAN SA PAGPALIBAN NG BSKE 2025

Pinagkukomento ngayon ng Kataas-taasang Hukuman (SC) ang mga respondents sa inihaing petisyon ni Atty. Romulo Macalintal kaugnay ng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2025.

Ayon kay SC Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, inatasan ng Korte Suprema ang Senado, House of Representatives, Executive Secretary Lucas P. Bersamin, at ang Commission on Elections (COMELEC) na magsumite ng kani-kanilang kumento hinggil sa naturang petisyon.

Ang kautusan ay inilabas matapos ang isinagawang En Banc session ng SC kung saan natalakay ang kasong may docket number G.R. No. E-02002.

Matatandaang inihain ni Atty. Macalintal ang petisyon upang kwestyunin ang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagpaliban sa BSKE 2025. Bahagi ng kanyang hiling ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang implementasyon ng postponement.

Binigyan ng 10 araw ang mga respondents upang magsumite ng kanilang kumento sa Korte Suprema.

UPDATED || MGA TAGA PUERTO PRINCESA, NAGULAT SA MALAKAS NA PAGSABOG NA NARINIG NGAYONG HAPON, AYON SA IBANG NAKASAKSI, M...
04/08/2025

UPDATED || MGA TAGA PUERTO PRINCESA, NAGULAT SA MALAKAS NA PAGSABOG NA NARINIG NGAYONG HAPON, AYON SA IBANG NAKASAKSI, MAY TILA UMAAPOY NA BAGAY SILANG NAKITA BAGO ITO TULUYANG SUMABOG

Kinumpirma din ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang dahilan ng naturang malakas na pagsabog ay ang ni-launch ng China na kanilang rocket kanina lamang.

Magugunitang nitong mga nagdaang araw ay nagbabala na rin ang ilang ahensya ng pamahalaan sa posibleng pagbagsak ng debris ng naturang rocket sa karagatan malapit sa Palawan.

PHOTO: Joseph Oliveros

SENADO ’DI MAGKO-CONVENE BILANG IMPEACHMENT COURT DAHIL SA DESISYON NG KORTE SUPREMAInamin ni Senate President Pro Tempo...
02/08/2025

SENADO ’DI MAGKO-CONVENE BILANG IMPEACHMENT COURT DAHIL SA DESISYON NG KORTE SUPREMA

Inamin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi magko-convene ang Senado bilang impeachment court kaugnay ng mga kasong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing walang hurisdiksyon ang Senado sa usaping ito.

Ayon kay Estrada, malinaw sa ruling ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment kaya’t hindi ito maaaring isulong. Ipinahayag niya na susunod siya sa kautusan ng Kataas-taasang Hukuman, maliban na lamang kung ito ay mababago sa pamamagitan ng motion for reconsideration.

Gayunpaman, may ilang mga senador ang pumirma sa isang resolusyon na nananawagan na ituloy pa rin ang impeachment proceedings kahit na may umiiral nang desisyon mula sa Korte Suprema.

Inaasahang tatalakayin ng Senado ang kontrobersyal na isyu sa plenary session na nakatakda sa Agosto 6, 2025.

BALITANG INTERNATIONAL ||TRUMP IPINAG-UTOS ANG PAGLALAGAY NG NUCLEAR SUBMARINES MALAPIT SA RUSSIAIpinag-utos ni US Presi...
02/08/2025

BALITANG INTERNATIONAL ||

TRUMP IPINAG-UTOS ANG PAGLALAGAY NG NUCLEAR SUBMARINES MALAPIT SA RUSSIA

Ipinag-utos ni US President Donald Trump ang paglalagay ng mga nuclear submarines ng Amerika malapit sa teritoryo ng Russia, kasunod ng umiigting na tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang hakbang ay tugon sa matinding babala ni Russian Deputy Security Council Chairman Dmitry Medvedev, na nagsabing posibleng humantong sa panibagong Cold War ang girian at maaari silang mapilitang gamitin ang kanilang kakayahang nuclear kung patuloy silang gigipitin ng Estados Unidos.

Nauna nang nagbigay ng ultimatum si Trump, na binigyan ng 10 araw si Russian President Vladimir Putin upang tumugon sa alok na ceasefire deal kaugnay ng digmaan sa Ukraine. Binalaan din ng US President na sakaling hindi ito sundin ng Moscow, mapipilitan silang magpataw ng mabigat na kaparusahan.

Patuloy na minamanmanan ng international community ang sitwasyon, lalo na’t may kinalaman ito sa paggamit ng mga sandatang nuklear na may malawak na epekto sa pandaigdigang seguridad.

DOJ, POSIBLENG IPADALA SA IBANG BANSA ANG MGA BUTO MULA SA TAAL LAKE PARA SA DNA TESTINGInihayag ng Department of Justic...
02/08/2025

DOJ, POSIBLENG IPADALA SA IBANG BANSA ANG MGA BUTO MULA SA TAAL LAKE PARA SA DNA TESTING

Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na pinag-aaralan nilang ipadala sa ibang bansa, partikular sa Japan, ang mga narekober na buto mula sa Taal Lake upang isailalim sa mas advanced na siyentipikong pagsusuri, kabilang na ang DNA testing.

Sa panayam ng media, ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na posibleng gamitin ang mga makabagong pasilidad ng ibang bansa para masigurong tumpak at maayos ang pagsusuri. Ayon sa kalihim, kinikilala ng DOJ na may kakulangan pa rin ang Pilipinas pagdating sa forensic at DNA analysis, kaya’t bukas sila sa posibilidad ng pakikipagtulungan sa mga dayuhang eksperto.

Isa umano sa mga hiling ng DOJ sa bansang Japan ay ang pagbibigay ng tulong sa pagsusuri ng mga narekober na buto, na hinihinalang maaaring bahagi ng mas malawak pang imbestigasyon. Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na wala pa silang natatanggap na bagong update mula sa mga kinauukulang awtoridad ng Japan kaugnay sa usapin.

Samantala, tinawag naman ni Remulla na “premature” ang naging pahayag ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa mga isinasagawang DNA testing, at iginiit na dapat hintayin muna ang kumpletong proseso ng pagsusuri bago maglabas ng konklusyon.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon habang hinihintay ang mga resulta ng forensic examination upang matukoy kung kanino nga ba talaga ang mga narekober na buto sa lawa ng Taal.

ESCUDERO, BINATIKOS SA UMANONG ₱142.7B BUDGET INSERTIONS PARA SA POLITICAL ALLIESMariing kinondena ng dating kongresista...
25/07/2025

ESCUDERO, BINATIKOS SA UMANONG ₱142.7B BUDGET INSERTIONS PARA SA POLITICAL ALLIES

Mariing kinondena ng dating kongresista at dating tagapagsalita ni dating Bise Presidente Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez si Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng umano’y manipulasyon sa 2025 national budget sa pamamagitan ng ₱142.7 bilyong halaga ng budget insertions.

Ayon kay Gutierrez, malinaw na ginamit ang pondo upang palakasin ang impluwensiya ni Escudero at tiyaking mananatili sa kanyang posisyon bilang lider ng Senado. Aniya, bukod sa pagbaluktot sa diwa ng Konstitusyon, binaluktot din ang pambansang badyet para sa pansariling interes ng ilang pulitiko.

Batay sa ulat, ang malaking bahagi ng nasabing pondo ay inilaan sa mga proyektong pang-imprastruktura at flood control, na napunta sa mga probinsyang sumusuporta kay Escudero, partikular na ang Bulacan at Sorsogon, ang huli ay sariling balwarte ng Senate President.

Binigyang-diin ni Gutierrez na hindi simpleng pondo ang pinag-uusapan kundi isang malinaw na halimbawa ng paggamit sa kaban ng bayan bilang pampulitikang sandata.

Dagdag pa rito, kinuwestiyon ni Gutierrez ang malaking pagbawas sa alokasyon para sa mga serbisyong panlipunan at mga programang pangkabuhayan na ayon sa ulat ay nabawasan ng 33.4% at 29.2%, ayon sa pagkakasunod upang bigyang-daan ang infrastructure projects na umano’y may halatang bahid ng pamumulitika.

KAMPO NI VP SARA DUTERTE IKINAGALAK ANG PAGBAWAL NG KORTE SUPREMA SA IMPEACHMENT ARTICLES LABAN SA KANYAIkinatuwa ng kam...
25/07/2025

KAMPO NI VP SARA DUTERTE IKINAGALAK ANG PAGBAWAL NG KORTE SUPREMA SA IMPEACHMENT ARTICLES LABAN SA KANYA

Ikinatuwa ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang naging desisyon ng Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang mga artikulo ng impeachment na isinampa laban sa kanya.

Sa opisyal na pahayag ng defense team ni Duterte, binigyang-diin nila na pinagtibay ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ang kanilang posisyon na ang ika-apat na reklamong impeachment ay lumabag sa “one-year ban” na nakasaad sa Article XI, Section 3(5) ng 1987 Konstitusyon. Ayon sa kanila, ang unanimous na desisyon ng Korte Suprema ay hindi lamang tagumpay para sa Bise Presidente, kundi patunay rin sa kahalagahan ng rule of law at babala laban sa posibleng pang-aabuso sa proseso ng impeachment.

Tiniyak din ng depensa na handa silang harapin ang anumang akusasyon sa tamang lugar at tamang panahon.

Matatandaang noong Disyembre 2024 ay iniharap ang apat na impeachment complaints laban kay VP Duterte, na naglalaman ng mga paratang gaya ng katiwalian, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at ang kontrobersyal na pahayag niya hinggil sa umano’y assassination plot laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.

Ang ika-apat na reklamo ay inendorso ng 215 mambabatas noong Pebrero 5, 2025, dahilan upang ito’y maisumite sa Senado para sa impeachment trial. Gayunpaman, noong Hunyo 2025, piniling ibalik ng Senado sa Kamara ang impeachment articles sa halip na magsagawa ng paglilitis.

Sa huli, nagpasya ang Korte Suprema na ang nasabing reklamo ay lumabag sa isang-taong pagbabawal sa muling pagsasampa ng impeachment, kaya’t idineklara itong unconstitutional.

Address

Purok Sandiwa Brgy. Tiniguiban
Puerto Princesa
5300

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when DWOK FM 107.9 - Ang Bigwas Station posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Business

Send a message to DWOK FM 107.9 - Ang Bigwas Station:

Share

Our Story

Join this page