16/10/2025
Puerto Princesa City, pinakamabilis ang paglago ng ekonomiya sa MIMAROPA; Palawan, pinakamabagal — PSA
Nanguna ang Lungsod ng Puerto Princesa bilang may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa MIMAROPA Region sa taong 2024, habang ang lalawigan ng Palawan naman ang pinakamabagal, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa datos, tumaas ng 9.8% ang Gross Domestic Product (GDP) ng Puerto Princesa City, samantalang 1.1% lamang ang inilago ng Palawan. Sa kabuuan, umabot sa ₱429.38 bilyon ang GDP ng rehiyon sa constant 2018 prices, katumbas ng 4.4% regional growth rate mula 2023 hanggang 2024.
📊 Kabuuang Ambag sa Ekonomiya ng Rehiyon
Palawan – 30.4% share
Oriental Mindoro – 28.2%
Puerto Princesa City – 15.0%
Occidental Mindoro – 13.0%
Romblon – 7.7%
Marinduque – 5.8%
💼 Sektor ng Serbisyo (Services Sector)
Ang Puerto Princesa City ang may pinakamabilis na pag-angat sa sektor ng serbisyo sa rehiyon, na nagtala ng 9.3% growth, sinundan ng Oriental Mindoro (7.5%), Marinduque (6.7%), at Palawan (6.4%).
Mas mabagal naman ang pag-angat ng Romblon (5.9%) at Occidental Mindoro (4.6%).
Sa kabuuan, lumago ng 7.1% ang services sector ng MIMAROPA, na may kabuuang halaga na ₱219.27 bilyon.
Ang Puerto Princesa City ang may pinakamalaking ambag na 22.2%, kasunod ng Palawan (21%), Oriental Mindoro (29.2%), Occidental Mindoro (11.8%), Romblon (9.2%), at Marinduque (6.7%).
⚙️ Sektor ng Industriya (Industry Sector)
Lumalabas na bumagsak ng -2.9% ang sektor ng industriya sa Palawan, habang lumago ng 12.9% sa Puerto Princesa City.
Pinakamabilis ang paglago ng industriya sa Occidental Mindoro (15.1%), sinundan ng Puerto Princesa, Marinduque (11.7%), Romblon (11.4%), at Oriental Mindoro (10.2%).
Bagama’t bumaba, nananatiling pinakamalaki ang ambag ng Palawan sa industry sector rehiyon — 37.2% o halos ₱51 bilyon sa kabuuang ₱139.15 bilyon.
Sumunod dito ang Oriental Mindoro (29.3%), Occidental Mindoro (12%), Puerto Princesa City (10%), Marinduque (5.8%), at Romblon (5.7%).
🌾 Agrikultura, Forestry and Fishing (AFF Sector)
Sa sektor ng agrikultura, nanguna ang Marinduque na may 9.5% growth, habang Puerto Princesa City ay 0.8%, Palawan ay 0.5%, at Romblon ay 0.2%.
Malaki naman ang ibinagsak ng Oriental Mindoro (-11.6%) at Occidental Mindoro (-14.1%).
Sa kabila nito, pinakamalaki pa rin ang ambag ng Palawan sa sektor ng AFF, na may 45.9% share o halos ₱32.57 bilyon ng kabuuang ₱70.96 bilyon sa rehiyon.
Kasunod nito ang Oriental Mindoro (23%), Occidental Mindoro (18.7%), Romblon (7%), Marinduque (2.9%), at Puerto Princesa City (2.6%).
💰 Per Capita GDP
Sa usapin ng per capita GDP, nangunguna ang Puerto Princesa City na may ₱203,786, higit na mataas kaysa sa ibang bahagi ng MIMAROPA.
Pangalawa ang Palawan na may ₱134,593, kasunod ng Oriental Mindoro (₱131,557), Romblon (₱109,158), Marinduque (₱109,545), at Occidental Mindoro (₱108,858).
📈 Kabuuang Pagsusuri
Bagama’t mabagal ang paglago ng Palawan, ito pa rin ang pinakamalaking ambag sa kabuuang ekonomiya ng MIMAROPA, habang ang Puerto Princesa City ang pinakamabilis umunlad at may pinakamataas na kita kada residente sa rehiyon.
Ipinapakita ng datos ng PSA na ang urbanisadong Puerto Princesa City na ang patuloy na humihila sa pag-angat ng ekonomiya ng Palawan at ng buong MIMAROPA, samantalang nananatiling hamon ang pagpapalakas ng industriya at agrikultura sa mga lalawigang nasa kanayunan.