20/09/2025
|| ₱13/KWH BAGONG SINGIL SA KURYENTE NAKATAKDANG IPATUPAD SA PALAWAN
Bababa na sa humigit-kumulang ₱13 kada kilowatt-hour ang kabuuang singil sa kuryente ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), matapos makumpirma na ibabalik ang ₱7.39/kWh subsidized rate para sa generation cost.
Ayon sa tagapagsalita ng PALECO na si Janelle Rebusada, nakabatay ang pagbaba ng singil sa 40-megawatt Power Supply Agreement (PSA) na inaprubahan ng ERC noong March 2025 sa pagitan ng PALECO at Delta P, Inc. (DPI), na sinuportahan ng Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) subsidy.
Ang UCME ang sumasalo sa diperensya sa pagitan ng aktwal na halaga ng generation cost at ng subsidized rate na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).
“Sa oras na maisakatuparan ang 40 MW PSA, tanging SAGR na may halagang ₱7.39 na lang muli ang sisingilin para sa generation cost kada kWh na i-su-supply o i-de-deliver ng Delta P sa mga konsyumer ng PALECO na nakakonekta sa Palawan main grid. Magreresulta ito sa singil na humigit-kumulang ₱13/kWh,” dagdag ni Rebusada.
Matatandaan na noong September 16 ay nilagdaan nina PALECO General Manager Engr. Rez L. Contrivida at Interim Board Chairperson Atty. Fe Marie D. Tagle ang UCME Subsidy Agreement kasama ang Delta P at National Power Corporation (NAPOCOR), hudyat ng pagsisimula ng implementasyon.
Sakop ng Palawan main grid ang Puerto Princesa City at mga bayan ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Quezon, Brooke’s Point, Bataraza, Roxas, Taytay, at mainland Dumaran.
Inaasahan na mararamdaman ng mga konsyumer ang mas mababang singil sa mga susunod na billing months matapos makumpleto ng Delta P ang natitirang requisite sa ERC, NAPOCOR, at National Transmission Corporation (TransCo).