15/07/2025
BFAR MIMAROPA, IPINAGBABAWAL ANG PUMALAOT SA KARAGATANG SAKOP NG BUSUANGA DAHIL SA POSIBLENG PAGBAGSAK NG MGA DEBRIS MULA SA ROCKET NG CHINA
Nagpalabas ng mahalagang pabatid para sa mga mangingisda ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaugnay sa pagbabawal ng pamamalaot sa Bajo de Masinloc, Cabra Island, Recto Bank, at karagatang sakop ng Occidental Mindoro at Busuanga, Palawan.
Sa inilabas na paalala ng BFAR, simula bukas, Hunyo 15 hanggang Hunyo 17, 2025, ay mahigpit na pinapaalalahanan ang publiko na mag-ingat at huwag munang mamalaot dahil ang nabanggit na mga lugar ay posibleng maging drop zone ng mga debris ng Long March 7 rocket na ilulunsad mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan, China.
Ang nasabing mga lugar ay tinukoy ng Philippine Space Agency (PhilSA), at ayon sa BFAR, walang inaasahang pagbagsak ng mga debris sa kalupaan ng Palawan subalit maaari itong maging delikado para sa mga dumadaang sasakyang pandagat sa mga nasabing lugar.
Dahil posible ring lumutang ang ilang debris at maanod papunta sa mga baybayin, pinaalalahanan ng PhilSA ang publiko na huwag lalapitan o hahawakan ang mga debris dahil sa maaaring taglay nitong mga nakalalasong kemikal.| via JB Juanich