18/08/2026
๐๐๐ข๐ญ๐จ๐ซ๐ฒ๐๐ฅ | ๐๐๐๐ ๐จ ๐๐ข๐ฌ๐ญ๐๐ฆ๐: ๐๐๐๐ง ๐๐ฎ๐ฆ๐๐ญ๐๐ฆ๐ ๐๐ง๐ ๐๐ฎ๐ฌ๐ญ๐ข๐ฌ๐ฒ๐?
Dapat bang ibaba ang edad ng criminal liability upang agad makasuhan ang kabataan na nagkasala?
Para sa ilan, ito ang hustisya. Naniniwala silang kung kaya nang gumawa ng mabigat na krimen, marapat lamang din na sila ay panagutin sa batas. Sa kanilang pananaw, ang pagbaba ng edad ay magsisilbing babala sa kabataan at proteksiyon sa lipunan laban sa mga nagiging biktima ng kanilang maling gawain.
Ngunit sa masusing pagtingin, isa itong hungkag na panukala. Ang pagbibigay ng hustisya ay hindi nakasalalay sa edad, kundi sa kung paano ipinatutupad ang batas. Kung ang sistema mismo ay sablay, walang saysay ang pagbabago ng numero.
Tulad ng binigyang-diin ni Senator Kiko Pangilinan, hindi edad ang problema kundi ang implementasyon. Ang RA 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 ay hindi ginawa para palusutin ang kabataan, kundi para bigyan sila ng pagkakataong magbago. Sa oras na umabot sila sa legal age, haharap pa rin sila sa kaukulang parusa.
Ang batas ay naglatag ng mekanismo para sa rehabilitasyon at suporta, ngunit ang tanong ito ba'y naipapatupad nang maayos? Lumilitaw lamang na ang suliranin ay hinggil sa kakulangan ng pasilidad, sablay na pagpapatupad, at walang sapat na programang nakatuon sa pagbabago ng kabataan. Malinaw lamang na ang kapalpakan ng sistema sa pagpapatupad ng batas ang tunay na ugat ng problema at hindi ang edad ng pananagutan.
Kung agad na ibababa ang edad, mas lalo lamang malulugmok ang kabataan sa maling impluwensiya. Ang utak ng bata ay madaling manipulahin; kung sa kulungan pa sila matuto ng karahasan, mas lalong magiging banta sa lipunan. Ang sinasabing agarang hustisya ay dekorasyon ng kasinungalingan, maganda sa salita ngunit salat sa gawa.
Ang panawagang ibaba ang edad ng criminal liability ay hindi solusyon kundi isang mapanlinlang na ilusyon. Ang tunay na hakbang ay ayusin ang pagpapatupad ng batas, palakasin ang rehabilitasyon, at tiyakin ang gabay ng magulang at komunidad. Kung ipagpapatuloy ang ganitong panukala nang walang reporma, mananatili itong huwad na solusyon na naglalagay sa panganib ang kinabukasan ng kabataan at ang tiwala ng lipunan.
| via Danlyn Joy Laraga, Alitaptap Publication
(DIBUHO: Randy Enriquez)