09/08/2025
ALERT | Hinarang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) gamit ang mga matataas na kalibre ng baril ngayong gabi ang mga nagpuprotesta at kabilang sa Humanitarian Team na nag-iimbestiga sa isang armadong engkwentro noong Agosto 7, sa Barangay Happy Valley, Roxas, Mindoro.
Mula sa Facebook Live broadcast ng Karapatan Southern Tagalog, mga miyembro ng ika-203 na Infantry Brigade (IB) at ng PNP ang nag-iintimida at nanghaharass sa ikinasang mapayapang protesta ngayong araw sa harap ng Lordville Funeral Services sa Roxas. Kabilang sa bulto ang mga estudyante mula Unibersidad ng Pilipinas (UP) at si 40th Student Regent (SR) Nominee na si Nemo Yangco.
Dagdag ng Karapatan, may pulis na nagtangkang magpaputok ng baril sa mga nagpuprotesta. Samantala, bumuo naman ng barikada ang mga sundalo mula sa ika-203 na IB habang nakatutok din ang matataas na kalibre ng baril sa mga nagpuprotesta na hindi armado.
Nasawi ang dalawang kinikilala bilang miyembro ng New People's Army (NPA) sa armadong engkwentro noong Huwebes. Ang Humanitarian Team ng Karapatan Southern Tagalog ang idineploy upang imbestigahan ang insidente at ang naging epekto nito sa komunidad.
Natuklasan ng Humanitarian Team na ang mga labi ng mga nasawi ay nasa kustodiya ng AFP at PNP kung saan iginigiit ng mga nagpuprotesta na matinding paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) kung saan illegal ang pagtago ng mga puwersa ng estado sa mga bangkay at dapat maayos na maibalik ito sa mga pamilya ng nasawi sa madaling panahon.
Sa mga nakaraang taon, matindi ang mga naitalang abuso sa Timog Katagalugan at mas tumitindi pa lalo ang impunidad sa rehiyon.
BASAHIN: https://sinag.press/news/2023/09/08/walang-kapayapaan-sa-estadong-walang-katarungan-estado-ang-totoong-terorista-giit-ng-mga-tanggol-karapatan/
๐ฝ๏ธ Bidyo mula sa Karapatan Southern Tagalog