19/06/2026
Napansin n’yo ba?
Kadalasan, yung mga taong lumaki sa buhay na maalwan, hindi naman masyadong nagpo-post ng mga nabibili nila o mga achievements nila. Pero yung mga taong lumaking salat, makabili lang ng bagong sapatos kahit sale lang, makapag-kape ng halagang ₱200 tuwing sweldo, o makapagbigay ng konting luho sa sarili nila, ipo-post o imi-myday pa.
Hindi yun dahil mayabang sila.
Ganito kasi ’yan…
May mga taong lumaki na parang laging dehado sa buhay. Habang ang iba ay may mga bagay na kusa nilang natatanggap, sila naman ay kailangang paghirapan ang bawat maliit na bagay. Lumaki silang lumalaban, nagsisikap, at nagtitiis.
Kaya kapag dumating na sila sa punto na kaya na nilang bumili ng bagay na dati ay parang imposible mabili, o maranasan ang mga simpleng bagay na dati ay pangarap lang, malaking bagay na iyon para sa kanila.
Hindi iyon pagyayabang.
Mga paalala lang iyon sa sarili nila na kahit papaano, malayo-layo na rin pala ang narating nila.
Na hindi na sila yung taong dating nakatingin lang sa bintana ng tindahan. Hindi na sila yung taong laging nagsasabing, “Balang araw, ako rin.”
Buong pagkabata nila, pakiramdam nila talunan sila sa buhay.
Ngayon lang sila nakaramdam ng konting panalo.
Kaya pagbigyan mo na sila.
Kung masaya sila sa bagong sapatos, sa unang branded na gamit, sa kape tuwing sweldo, o sa anumang bagay na matagal nilang ipinagkait sa sarili nila, hayaan mo na sana sila.
Maging masaya ka na lang para sa kanila.
Dahil hindi mo alam kung ilang taon nilang hinintay ang pagkakataong maranasan ang mga bagay na para sa iba ay ordinaryo lang.
Hindi lahat ng ipinopost ay pagyayabang.
Minsan, iyon ay tahimik na pagdiriwang ng isang taong matagal ding natalo, pero sa wakas ay nakakaramdam na rin ng kaunting panalo.