20/09/2025
SARAH G.: "PINAPAIKOT-IKOT LANG TAYO, TAMA NA!"
Isa sa mga nagtanghal ang nag-iisang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo sa opening ceremonies ng UAAP Season 88 sa University of Santo Tomas nitong Biyernes, Setyembre 19.
Sa kalagitnaan ng performance ng isa sa kanyang signature hits na "Ikot-ikot", ipinadama ni Sarah G. ang kanyang pagkadismaya sa mga nagaganap sa bansa ngayon lalo pa at talamak ang isyu ng katiwalian. Nagbigay rin siya ng pahayag para sa mga kabataan na sana ay sila ang susi sa pagbabago ng bulok na sistema sa ating lipunan.
"Parang panloloko sa bansa natin, pinapaikot-ikot lang tayo, tama na! Hindi naman lingid sa kaalaman natin na napakaraming nangyari na kaguluhan, kasinungalingan, panloloko ang ginagawa sa ating bansa. Let us all be reminded na kayo, I don't want to put pressure on you, ang ating mga kabataan, kayo ang pag-asa ng ating bansa, ng ating bayan. One day, kayo ang magbabago ng bulok na sistema ng bansang ito," ani Sarah G. sa harap ng nasa 36,629 na dumalo mula sa walong paaralan na miyembro ng UAAP.
"Wag kayong mawalan ng pag-asa. 'Wag tayo mawalan ng pag-asa, kumapit tayo sa hope at patuloy na magtiwala na balang-araw, mababago rin ang bulok na sistema na 'yan," dagdag pa ng singer-actress.
Umaasa rin ang premyadong performer na magkakaroon ng job opportunities ang bansa para sa lahat, upang hindi na mangangailangan na mangibang-bansa ang mga Pilipino para lang magtrabaho.
"Uunlad din ang ating mahal na bansang Pilipinas, (na) hindi na natin kailangang umalis ng bansanpara makapaghanap ng magandang trabaho dahil nandidito na lahat ng oportunidad. Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa," sambit pa ni Sarah G.
Nasa UST ang multi-awarded talent, na nag-aral din doon noong siya ay nasa high school, upang opisyal na simulan ang bagong season ng nasabing collegiate league, na binubuo ng walong paaralan. Bukod sa UST, kasama sa UAAP ang De La Salle University, Ateneo de Manila University, University of The Philippines, Far Eastern University, University of The East, Adamson University at National University.
âšī¸ Š ABS-CBN Sports