24/08/2026
PULIS, NAPUTULAN NG KAMAY MATAPOS ATAKIHIN NG LALAKING SINASABING MAY PROBLEMA SA PAG-IISIP GAMIT ANG BOLO!
CAMSUR Nasugatan at naputulan ng kamay ang isang police officer matapos atakihin ng isang lalaki na sinasabing may problema sa pag-iisip sa Barangay Calalahan, San Jose, Camarines Sur, pasado ala 1:30 ng hapon nitong Sabado, Agosto 22, 2026.
Kinilala ang pulis na si PSSg. Noli Miraña, 42 anyos at miyembro ng San Jose Municipal Police Station. Rumesponde siya kasama ang kanyang mga kasamahan sa ulat hinggil sa isang lalaking umano’y may dalang bolo at nagpakita ng hindi pangkaraniwang kilos.
Nang subukan ng mga pulis na lapitan at kausapin ang lalaki na kinilalang si W***y Pequiras Panciles, 38 anyos, bigla umano itong tumakbo patungo sa mga pulis. Natumba si Miraña at doon siya inatake gamit ang patalim, na tumama sa kanyang kaliwang kamay.
Upang mapigilan ang pag-atake, nagpaputok ang mga pulis at tinamaan ang suspek sa magkabilang binti.
Agad na dinala sa Partido District Hospital ang pulis at ang suspek para sa kaukulang atensyong medikal. Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatan at sasailalim siya sa kaukulang proseso matapos ang insidente.