25/02/2024
PILIPINAS TODAY
Sa ekslusibong panayam ng Pilipinas Today kay retired Philippine Marine Corps Col. Ariel Querubin, isiniwalat niyang ilang araw bago ang EDSA People Power noong Pebrero 25, 1986, pinlano raw noong Pebrero 22 na bombahin ang MND Building na headquarters ng Reform the Armed Forces Movement (RAM).
Kabilang sa miyembro ng RAM si dating senador Gr**go Honasan.
“Kinabukasan, huhulihin na namin sina Senator Honasan, unang ni-raid namin ang kanilang headquarters ng RAM dun sa 15th Avenue, wala nang laman. So lahat sila nagpuntahan na dun sa building ng MND. They convince former President FVR (Fidel V. Ramos) to join them and then ask for support from (Jaime) Cardinal Sin,” pagbabalik-tanaw ni Querubin.
“Ako, pagpunta ko nga dun ng umaga ng (February) 22, eh, 'yung unang sumalubong sa 'kin, si Major Luistro, piloto ito class 74. [Sabi niya] 'Ariel, sumama ka na dito'. ‘Sir, ano ba meron d'yan?’ sabi ko. ‘Nagpe-press conference.’ Sabi ko, ‘Sir, umalis na kayo d'yan kasi 'yung Ultra,
'yung mga tubo na 'yung 105 namin, nasa Ultra na, pupulbusin namin 'yan anytime,” patuloy niya.
Gayunman, hindi raw natuloy ang nasabing plano dahil pinigilan ito ni noon ay Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., habang lumipat naman daw ang grupo ni Honasan sa Camp Crame pagsapit ng Pebrero 23.
Dahil sa EDSA People Power Revolution, napatalsik sa puwesto si Marcos at nagwakas ang martial law matapos ang mahigit 20 taong pamumuno sa bansa.