09/08/2026
"...ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon."- Kawikaan 19:14
Sa araw-araw na pagsasama, hindi maiiwasan ang tampuhan sa mga mag-asawa. Gustuhin man nating masolusyunan agad, pero may mga pagkakataong hindi ganoon kadaling ayusin ang problema.
Pero paano kung wala na palang bukas?
Noong June 4, 2026, pumasok ako sa trabaho na medyo puyat dahil kinagabihan noon ay tumupad ako ng tungkulin sa pagsamba at pagkatapos ay deretso na rin sa pagbabantay sa kapilya. Biglaan akong napasali sa larong football sa aming company sports event kasi kulang daw ng players.
May kaunti kaming hindi pagkakaunawaan ni Julie noong araw na iyon. Tinatawagan at tine-text ko siya, ngunit hindi niya ako sinasagot. Alam kong nagtatampo pa rin siya sa akin.
Madalas kong sabihin sa asawa ko ang “I love you.” Ngunit nang araw na iyon, hindi ko man lang nasabi. Naisip kong sa pag-uwi sa kinagabihan ko na lamang siya kakausapin at susuyuin.
Ang huli kong malinaw na alaala ay ang pagpunta ko sa company event. Pagkatapos noon, wala na akong maalala—maging ang mismong laro, ang pagbagsak ko, at ang mga sumunod na oras at araw. Maging ang mga unang sandali ng paggising ko ay hindi rin nanatili sa aking alaala.
Ang lahat ng nangyari ay nalaman ko na lang mula kay Julie, sa mga kapatid sa Iglesia na dumalaw sa akin, sa mga nakasaksi at sa medical team.
Wala si Julie nang mangyari iyon. Naghahanda siya ng aming tahanan para sa Bible Study.
Hindi karaniwan para sa kaniya na tawagan ng boss ko, kaya matindi agad ang kaba niya dahil baka may masamang nangyari sa akin. At doon nga ay sinabi sa kaniyang nawalan ako ng malay, bumagsak at isinugod sa emergency room. Dati na rin kasi akong na-diagnose ng cardiomyopathy. Isa itong uri ng sakit sa puso kung saan nahihirapan ang muscles nito na mag-pump ng dugo papunta sa ibang parte ng katawan.
Ikinuwento niyang hindi siya handa sa kaniyang nadatnan. Maraming tubo at aparatong nakakabit sa katawan ko. First time niyang makita ako sa ganoong kalagayan. Hindi niya lubos maisip na isang araw lang ang nakalipas, magkasama kami at malakas na malakas pa ako. Ngayon, nakahiga ako sa ICU at nag-aagaw buhay.
Halos 30 minutes akong walang pulso. Walang tigil akong binigyan ng CPR at sampung beses na ginamitan ng defibrillator. Dahil naging agitated ako, kinailangan akong i-sedate at ilagay sa induced coma. Isang linggo akong nasa ganoong kalagayan.
Sinabi ng mga doctor na 50% lamang ang posibilidad na mabuhay ako. At kung magising man, may possibility na magkaroon ako ng permanenteng brain injury dahil sa tagal na nawalan ako ng pulso.
Habang nasa ganung kalagayan, hindi siya umalis sa tabi ko. Wala siyang maayos na higaan. Minsan, sa maliit na upuan lamang siya natutulog. Palagi siyang puyat dahil binabantayan niya ako. Mas kampante raw siyang manatili roon at makita ang kalagayan ko kaysa umuwi at maghintay ng balita.
Kahit hindi niya alam kung naririnig ko siya, lagi niya pa rin akong kinakausap. “Mahal, lumaban ka please. Kayang-kaya mo ‘yan. Huwag mo akong iiwan. Laban tayo.” Ilan lamang ito sa paulit-ulit niyang sinasabi sa akin habang naka-induced coma pa ako.
Sa mga sandaling iyon, pinatunayan ni Julie ang pangako ng isang mabuting asawa—ang manatili sa hirap at sa ginhawa, anuman ang maging kalagayan ng kaniyang kabiyak.
Habang nakikita niya akong walang malay, naalala niya ang tampuhan namin bago nangyari ang lahat. Nasungitan ko siya noong nakaraang gabi kaya nagtampo siya. Ngunit sa tabi ng higaan ko, biglang nawalan ng halaga ang lahat ng maliliit na sama ng loob. Iyon na ba ang magiging huli naming alaala bilang mag-asawa—ang aming tampuhan?
Doon niya lalong na-realize na hindi dapat palakihin o patagalin ang maliliit na hindi pagkakaunawaan.
Habang wala akong malay, maya’t maya siyang nananalangin sa Ama—sa bawat bagong balita mula sa doctor, sa bawat desisyong kailangan niyang gawin, at sa bawat sandaling hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa akin.
Nasasambit niya sa kaniyang mga panalangin: “Ama, mabuhay lamang po ang asawa ko. Anuman po ang maging kalagayan niya, kahit kailangan ko siyang alagaan habambuhay, tatanggapin ko po. Ang buhay naming mag-asawa ay lalo naming ilalaan sa paglilingkod sa Iyo.”
Hanggang ngayon di ko mapigilan maiyak sa kaligayahan habang naaalala ang mga kinuwento niya sa akin. Lalo niya akong pinahanga sa kaniyang pananampalataya sa magagawa ng Panginoong Diyos.
Hindi niya pinabayaan ang mga pagsamba at ang pagtupad ng kaniyang tungkulin bilang diakonesa. Kung sarili lamang daw niyang lakas ang aasahan niya, hindi niya kakayanin. Ngunit sa pananalangin sa Ama, pagdalo sa mga pagsamba at pagtupad ng tungkulin, nanatili siyang matatag.
Bagaman wala kaming kamag-anak sa Canada, sa halos 5 years naming pananatili namin dito, ipinadama sa amin ng Ama ang Kaniyang paglingap sa pamamagitan ng mga kapatid sa Lokal ng Victoria, Eastern Ontario. Nagkaroon sila ng schedule sa pagbabantay sa akin. May nagdadala ng pagkain para kay Julie, may dumadalaw upang tingnan ang aming kalagayan, at may patuloy na nagsasama sa akin sa kanilang mga panata.
Dumadalaw din ang mga ministro at araw-araw akong ipinapanalangin. Sa panahong hindi namin alam kung ano ang mangyayari, ang pag-iibigang magkakapatid sa loob ng Iglesia ang nagpaalala sa amin na kahit saang panig ka man ng mundo naroroon, hangga’t may mga kapatid sa Iglesia, siguradong may maituturing kang pamilya at hindi ka kailan man nag-iisa.
Pagkaraan ng isang linggong induced coma, dumating ang kasagutan sa kanilang mga panalangin. Nagising ako. Bagamat sedated at groggy pa ako noon, nakakasagot man daw ako sa ilang tanong, wala akong malinaw na alaala sa mga pag-uusap na iyon.
Ngunit ayon kay Julie, nang makita ko siya, ang unang pangungusap na sinabi ko sa mahina at halos walang lakas na tinig ay: “I love you.”
Iyon ang mga salitang hindi ko nasabi bago ako umalis noong araw na iyon. Ipinagpaliban ko dahil inakala kong marami pa kaming oras. Ngunit nang muli akong bigyan ng pagkakataong magsalita, iyon pala ang unang hinanap ng puso ko.
Unti-unti akong lumakas. At habang nagpapatuloy ang aking paggaling, lalo naming nakita ang laki ng awa at habag sa amin ng Ama.
Sa kabila ng tagal ng pagkawala ng aking pulso, sampung beses na paggamit ng defibrillator at isang linggong induced coma, wala akong naging brain damage. Wala rin akong naging fracture sa dibdib sa kabila ng matagal na CPR. Para sa mga doctor, pambihira ang naging paggaling ko. Patunay lamang ito na hindi nasusukat ng porsiyento o medical prognosis ang kapangyarihan ng Diyos. Kapag tila wala nang magagawa ang tao, nananatili ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Kaya Niyang gawing posible ang inaakala nating imposible.
Nang makasamba akong muli at makatupad ng aking tungkulin bilang diakono, tuwang-tuwa ang mga kapatid sa Iglesia. May mga napaiyak pa nga sa saya kasi nakita nila ang kalagayan ko sa ospital at kung gaano na ako kalapit noon sa kamatayan.
Napakabuti ng Ama dahil dinugtungan Niya ang buhay ko.
Binigyan Niya kami ni Julie ng panibagong pagkakataong mamuhay bilang mag-asawa, magmahal at maglingkod sa Kaniya.
Sa aming karanasan, lalong napatunayan naming dapat ay laging nasa gitna ng pagsasama ng mag-asawa ang Panginoong Diyos. Kapag Siya ang lagi nating isinasaalang-alang, nagiging mabuti ang ating puso at nangingibabaw ang pagmamahal. Natututo tayong magpatawad, magparaya at isantabi ang maliliit na pagkakaiba. Kapag dumating ang matinding pagsubok, ang pag-ibig sa Diyos at pagtitiwala sa Kaniya ang nagbibigay sa mag-asawa ng lakas upang manatiling magkasama.
Kaya nagpapasalamat kami sa Ama dahil bilang mga mag-asawa na kaanib sa Iglesia Ni Cristo, may gabay kami mula sa Kaniyang mga salita sa bawat bahagi ng aming pagsasama. Totoo ang itinuro sa katatapos lang na pagsamba, “Ang bahay at kayamanan ay minamana sa mga magulang: ngunit ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon.” - Kawikaan 19:14
Sa Ama ang lahat ng kapurihan.
Marvin Martinez
Lokal ng Victoria, Eastern Ontario