09/09/2025
Bahain ng protesta ang kapalpakan ng rehimeng Marcos Jr.!
Panagutin ang pangungurakot sa kaban ng bayan!
Nagkakaisang Kondemnasyon ng UP Diliman sa Patuloy na Korapsyon at Anomalya sa Ghost Flood Control Projects ng DPWH
Habang lumulubog ang sambayanan sa baha, krisis, gutom, at pinsala ng mga ari-arian, patuloy na nilulunod ng mga tiwaling opisyal at kanilang mga kasabwat na burukrata-kapitalista ang bayan sa korapsyon. Ang mga proyektong flood control na dapat sana ay nagliligtas sa mamamayan ay naging daluyan ng bilyon-bilyong pondo tungo sa bulsa ng iilan. Malinaw na hindi ito simpleng kapabayaan, ito ay tahasang pandarambong sa karapatan at kapakanan ng mamamayang Pilipino, na siyang manipestasyon ng pamumunong nagpapanatili ng bulok na sistema
Sa halip na maglaan ng konkreto at siyentipikong solusyon sa lumalalang sakuna at krisis sa klima, patuloy na ipinamamalas ng administrasyong US-Marcos Jr. ang palpak, mapanira, at korap na pamamalakad. Sa harap ng galit at paniningil ng taumbayan, malinaw ang dapat managotsi Marcos Jr., at ang kaniyang rehimen na patuloy na nagpapakasasa sa kaban ng bayan samantalang lumulubog ang sambayanan sa dusa ng pagbaha.
Sa ating pamantasan, liban sa patuloy na pagkukupot sa ating edukasyon sa porma ng budget cuts, ramdam din natin ang parehong epekto ng korapsyon kung kaya’t nananatiling nakabinbin ang mga proyektong makapagbibigay sana ng mga batayang serbisyo sa mga iskolar ng bayan gaya ng CAL Faculty Center at Newer Building, UP Diliman Main Library, College of Music Abelardo Hall, at iba pang imprastraktura. Kasabay nito, manipestasyon din ng patuloy na pagpapabaya at pangungurap ang mga “substandard” na mga pasilidad sa ating pamantasan gaya na lamang ng palpak na Student Union Building na proyekto rin sa ilalim ng DPWH.
Hindi na sapat ang pananahimik o pagtitiis. Higit na kinakailangan ang mga Iskolar ng Bayan na naninindigan upang bakahin ang katiwalian at ang pagkalunod ng ating kinabukasan. Ang kasaysayan ay paulit-ulit na nagpapatunay: sa bawat pagtatangka na patahimikin at pagsamantalahan ang mamamayan, lalo lamang sisibol ang diwang palaban at ang paniningil nito sa mapaniil na estado.
Ngayon, panahon na ng paniningil sa mga korap. Oras na upang bahain ng protesta ang ahensya ng DPWH at ang mga kumpanyang sangkot sa maanomalyang flood control projects. Hindi lang sapat na bumaba sa pwesto ang mga pinuno ng mga tiwaling ahensya kasama ang kanilang mga protektor sa kamara at senado gaya nina Escudero at Romualdez, dapat silang mapanagot! Ito na ang tamang oras para iparamdam kay Marcos Jr. mismo ang daluyong ng nagngangalit na taumbayan.
Mga Iskolar ng Bayan, lubog ang bayan sa katiwalian at kasakiman ng mga naghaharing-uri, kaya’t sama-sama tayong umahon at manindigan. Singilin ang rehimeng US-Marcos Jr. at lahat ng tiwali sa pamahalaan.
Makatarungan ang lumaban!
Bahain ng protesta ang lansangan!
Marcos Singilin!