
08/10/2025
PUNTIRYA ng Philippine Sports Commission (PSC) na maging isa rin sa pangunahing layunin ang maitaguyod ang ‘sports tourism’ sa bansa sa pagdaraos ng pandaigdigang torneo at makabuo ng panrehiyong sports facilities.
Maituturing ding matagumpay ang bansa sa pagsasagawa ng marami ring kompetisyon para sa pagpapalago ng ekonomiya sa tuluy-tuloy na pasok ng turista. Parte rin ang hakbang mula sa iniatas ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. na suportahan ang mga atletang Filipino at sports at pagpapalawig ng grassroots sports program mula sa eskwelahan at unibersidad.
“Because we spent a lot of money promoting the Philippines, like body wrap ng bus sa London, billboard sa London, ilang daang libo yun, kung tayo mag-invite tayo ng 4-5,000 people, 80-90 countries, sila ang tumutulong sa atin to promote, that’s why we talk with other government agencies like Department of Tourism and PAGCOR upang gawing business of sports ang bansa,” esplika ni PSC chairman Patrick “Pato” Gregorio sa media Rizal Memorial Sports Complex.
Ikinumpara ng dating chairman ng Philippine Basketball Association sa ilalim ng Smart Communication at dati ring pinuno ng Philippine Rowing Association (PRA) ang matagumpay na promosyong ito ng Thailand at Poland na may epektibong Department of Sports and Tourism.
“All other countries na successful sa sports, nagkataon rin na successful din sa tourism. Look at Thailand’s arrival of 35 million, lahat na lang kung pwede lang pati whatever sports magho-host sila eh,” pahayag ni Gregorio, kasama si PSC commissioner Edward L. Hayco, na abala sa grassroots development.
Kamakailan lang ay nagtapos ang hosting ng Pilipinas na 2025 FIVB men’s volleyball world championships sa Araneta Coliseum at MOA Arena, habang magsasagawa ang bansa ng hosting ng FIFA Futsal Women’s World Cup at FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships. (Gerard Arce)
photo:
PSC Chairman Patrick 'Pato' Gregorio