17/10/2025
| Ibinalik ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Malacañang ang ₱500 million pesos na bahagi ng kanilang ₱1.3 billion na intelligence fund ngayong taon.
Sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng DILG, ipinaliwanag ni Secretary Jonvic Remulla na ang halagang ito ay dinagdag lang sa kanilang intel fund, o tinawag ng kalihim na “insertion.”
Sinabi ni Remulla na hindi nila ginamit ang halagang ito at binalik na sa Office of the President (OP).
Tinanong naman ni Senate Committee on Finance Chairman, Senador Sherwin Gatchalian, kung bakit mag-i-insert ng pondo sa intel fund ng DILG, pero tugon ni Remulla, hindi niya alam kung bakit ito ginawa.
Bagamat tila alam ng kalihim kung sinong mambabatas ang nag-“insert” ng pondong ito, ay hindi na niya ito pinangalanan.
Sa susunod na taon, nasa ₱800 million na intel fund ang hinihingi ng Philippine National Police (PNP), na nasa ilalim ng DILG.
Tiniyak ni Acting PNP Chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na sapat na at pagkakasyahin nila ang halagang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion | RP1