23/11/2025
Nananatiling madilim na sugat sa kasaysayan ng pamamahayag sa mundo ang Ampatuan Massacre. Noong ika-23 ng Nobyembre, 2009, tinambangan at pinagbabaril ng mga armadong grupo ang sinasakyan ng mga kaanak ni Esmael Mangudadatu, kasama ang mga tagasuporta at mamamahayag na sumusubaybay sa kaniyang paghahain ng kandidatura. Kalaunan nagdeklara ng batas militar ang administrayong Arroyo sa probinsiya ng Maguindanao at Sultan Kudarat upang mapanatili umano ang kapayapaan sa lugar, ngunit makaraang bumaba siya sa puwesto noong 2010 ay hindi pa rin natugunan ang lumalawig na politikal na suliranin sa Mindanao.
Sa ika-16 nitong anibersaryo, nananatili itong tanda na noon pa man ay talamak na ang panganib na kinahaharap ng midya sa kamay ng mga mapang-abuso sa kapangyarihan. Nakikiisa ang Matanglawin Ateneo sa paggunita sa mga mamamahayag na pinaslang habang ginagawa ang kanilang gampanin na maghatid ng katotohanan. Ilang pagbabago na ang ipinangako ng mga sumunod na administrasyon, ngunit isinasantabi pa rin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa. Mapanganib pa rin ang lipunan para sa mga mamamahayag na hanggang ngayon ay kailangan makipagbuno sa banta ng kapahamakan bago maihatid ang katotohanan sa bayan.
Gayunman, nananatiling ulyanin ang lipunan sa trahedyang lumapnos sa ating kalayaan. Pare-parehas na apelyido pa rin ang nagpipiyesta sa pamahalaan, sa kabila ng sandamakmak na kabalahuraan na nabunyag ng mga tagapagtaguyod ng katotohanan. Sinasamantala ang kapalpakan ng ating politikal na sistema, na lalong tumitibay sa ilalim ng pasistang tunggalian ng rehimeng Marcos at Duterte.
Sa ganitong pagkakataon dapat tumanglaw ang pakikibaka para sa katarungan, lalo kung pilit na binabaon sa limot ang katotohanang magpapalaya sa lipunang iginapos sa huwad na ideya ng kaunlaran. Hindi sapat ang pag-alala, dapat itong magmitsa ng pagkilos upang makamit ang hustisya, pananagutan, at tunay na proteksyon para sa mga tagapagtaguyod ng katotohanan.
Basahin ang buong artikulo mula sa sinupan:
Nasa Pag-alaala ang Paglaya
Mula sa Matanglawin Tomo 35, Blg. 3 (2010)
https://www.matanglawin-ateneo.com/mga-isyu