25/09/2025
FIRING LINE FOR THURSDAY (SEPTEMBER 25, 2025) ISSUE
Usapin ng hustisya
Natabunan ng ingay na dulot ng anti-corruption rally nitong Linggo ang isang impit pero napakaimportante ring panawagan: hustisya para kay Juan “Johnny” Dayang, tulad ng ipinost ng anak niyang si Jed.
Si Dayang, 89, isang dating alkalde, ay isa ring respetadong mamamahayag. Kinikilala bilang ama ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI), pinangunahan niya ang isang institusyon na nagpanatiling buhay at aktibo sa mga pahayagan sa probinsiya bilang mga tagapagbantay sa pamamahala sa bansa. Ang pamamaril at pamamaslang sa kanya sa loob ng kanyang bahay sa Kalibo noong Abril ay hindi lamang isang trahedya, kundi isang pag-atake sa propesyon ng pamamahayag.
Base sa datos na nakuha ng pulisya, ang suspek na nakasuot ng itim na jacket at helmet na bumaril sa kanya noong umaga ng Abril 29 ay isang propesyunal na hitman. Idineklara ng pulisya noong Hunyo na "cleared" na ang kaso, tinukoy ang pagkakakilanlan ng suspek kahit pa walang pag-arestong ginawa at walang tinukoy na utak sa krimen.
Napag-alaman ng Firing Line na natunton nga ng mga imbestigador ang killer sa pamamagitan ng kuha ng CCTV — mula sa nirentahan niyang motorsiklo para sakyan, hanggang sa tinuluyan niyang hotel, at maging sa flight niya mula Maynila hanggang Iloilo. May idinagdag pa ang aking mga source: isang online cash transfer, umano'y mula sa mastermind, para pambili ng plane ticket ng suspek.
May payment trail iyon. Pero kailangan muna ng court order bago ilabas ng e-payment firm ang pagkakakilanlan ng naglipat ng pera at ang iba pang mga kahina-hinalang transaksiyong konektado sa suspek. Sinabi naman ng iba kong sources na galing pa sa Cavite ang gunman, pero ang kanyang mga pagkilos bago ang krimen ay kinabibilangan ng mga pagbibiyahe patungong Negros Oriental, kung saan may posibilidad na konektado siya sa kilabot na private army ng isang nega na pulitiko.
Dahil walang naarestong suspek, hindi ba dapat itong ituring na cold case? Ang hindi magawa ng mga awtoridad na pagdakip sa gunman hanggang ngayon ay nakakapagtaka. Alin sa dalawa: untouchable siya, na duda naman ako kung totoo nga, o ang nangontrata sa kanya ay may nautusan na para patayin din siya. Sana ay mali ako.
Kaya naman hinahamon ko ang Department of Justice (DOJ) na tuntunin ang money trail, obligahin ang pagsasapubliko ng nasabing e-payment records, pangalanan ang mga nagpopondo, at ilantad ang mastermind. Para sa kapakanan ni Johnny Dayang. Para sa kapakanan ng pamamahayag. Para sa kapakanan ng hustisya.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa sa X app (dating Twitter).