12/06/2026
IKA-125 ANIBERSARYO, KUMUSTA NA?
Pinagtibay ng US Philippine Commission ang Act No. 83 noong Pebrero 6, 1901 upang organisahin ang mga Pamahalaang Probinsiyal sa buong kapuluan. Sinundan ito ng Act No. 137 noong June 11, 1901 upang likhain ang probinsiyang Rizal.
Ang Rizal ay binuo ng mga 34 na bayan o municipalidad na dati nang umiiral sa panahon pa ng kolonyal na pamamahalang Kastila. Ang mula sa Maynila ay 20—Kaloocan, Novaliches, San José de Navotas, Tambobong (Malabón), Las Piñas, Muntinlupà, Parañaque, Pineda (Pásay), Malibay, San Pedro Macati, Pandacan, Santa Ana [de Sapà], Taguig, Pateros, Pasig, San Felipe Neri (Mandalúyong), San Juan del Monte, Mariquina, Montalbán, at San Mateo.
Ang mula naman sa Distrito de Morong ay 14—TAYTAY, Caintâ, Antipolo, at Bosobosó (sila ang mga bayang dating kabilang sa Maynila); idinagdag ang Añgono, Binañgonan, Cardona, Morong, Barás, Teresa, Tanáy, Pililla, San Diego Quisao, at Jalajalá (pawang kabilang sa probinsiyang La Laguna).
Karamihan sa mga bayang naturan ay nakapalibot sa Laguna de Bay, at ang ilan ay nasa Manila Bay, at may mga namamaybay din sa Pasig River.
Lumipas ang panahon. May mga municipalidad na pinagsanib, kalaunan ay may mga nahiwalay sa probinsiya at naging bahagi ng Metro Manila. Ang Metro Manila ay kilala rin bilang National Capital Region (NCR). Binubuo ito ng 16 na siyudad—Maynila, Quezon City, San Juan, Caloocan, Marikina, Makati, Mandaluyong, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Pasay, Taguig, Pasig, Navotas, Malabon, Valenzuela; at nag-iisang municipalidad ng Pateros.
Sa kasalukuyan, ang Probinsiyang Rizal ay binubuo na lamang ng 1-component city (Antipolo), at 13-municipalidad—Cainta, Taytay, Angono, Binangonan, Cardona, Teresa, Tanay, Baras, Morong, Pililla, Jalajala, San Mateo, at Rodriguez (Montalban).
Ang Capitolio ng Rizal ay nasa bayan ng Pasig hanggang noong 2008. Ngayon ay nasa Antipolo City na dahil ang Pasig ay bahagi na ng Metro Manila.
https://www.academia.edu/114209119/Probinsiya_ng_Rizal_Kaakibat_ng_Pagsusulong_ng_Kaunlaran_ang_Pangangalaga_sa_Pamana_Kultura_at_Esensiyal_na_Pangangailangan_ng_Tao