23/09/2025
MARCOS JR AT PNP, TIGILAN NYO NA ANG PANDARAHAS AT PANDADAKIP SA KABATAAN! RELEASE WOVI VILLANUEVA NOW!
Mariing kinukundena ng nagkakaisang UP Diliman ang pandarahas at iligal na pagdakip kay Mattheo Wovi Villanueva. Nanawagan ang komunidad para sa agarang paglaya ni Wovi Villanueva.
Habang pinapatnubayan ang organized dispersal ng bulto ng University of the Philippines Diliman (UPD) sa Mendiola, si Mattheo Wovi Villanueva ay walang-awang binugbog ng bulto ng mga pulis at iligal na dinakip bandang 4PM. Nagsilbi si Wovi bilang security marshal ng UPD at paralegal sa oras ng mobilisasyon. Isa siyang estudyante ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL), dating Education and Research Officer ng Freshie, Shiftee, and Transferee Council ng KAL, bahagi ng UP Pi Sigma, at honorary member ng the UP Repertory Company.
Maliban kay Wovi, marami pang kabataan ang dinahas at iligal na inaresto ng kapulisan sa gitna ng gitgitan at dispersal. Ito ay malinaw na paglabag sa karapatan na malayang ipahayag ang kolektibong galit at magprotesta dala ng sumisidhi at sumisingaw na kabulukan ng gubyerno. Ang ganitong pagtugon ng estado sa kritisismo ng taumbayan ay patunay na wala silang balak na makinig sa ating mga panawagan at wala silang pakialam sa kapakanan ng mga mamamayan.
Ang pagtindig ni Wovi, ng mga kabataan, ng taumbayang nagprotesta noong Linggo ay malinaw na paglaban sa malawakang korapsyon at kawalang pananagutan ni Marcos Jr. at iba pang mga nagsasabwatang pulitiko. Hindi ang PNP, kundi ang mga kabataan tulad ni Wovi ang nangangahas na nakikibaka at tunay na tumatalima sa mantrang “to serve and protect.”
Sa ganitong pandarahas ng estado, lalo lamang dumarami ang batayan ng kabataan para paigtingin ang paniningil sa rehimeng Marcos Jr. Patuloy na titindig ang kabataan upang tutulan ang korapsyon at pasismo sa Marcos Jr. at ng PNP.
Iskolar ng Bayan, manindigan at labanan ang inhustisya at pandarahas ng estado! Makiisa sa ating mga panawagan: Release Wovi Villanueva! Palayain lahat ng mga iligal na dinakip sa Mendiola!