
01/08/2025
Pepeng Nawawala
sa panulat ni Pietro Eduria III
Pepe! Pepe! nasaan ka ba? madalas kang nawawala,
tumitirik na ang mata ng iyong ina kakahanap kung nasaan ka na.
Ikaw, Ikaw at Ikaw! kilala mo ba si Pepe?
Oo! Siya nga, Ang Pepeng kilala mo.
Bagong Pilipinas, Bagong mukha,
Ang Pepe mo, ang Pepe ko.
Ang bayani ng pambansang sinilangan mo,
Na unti-unti na kinakalimutan ng mga tao
lalo na’t ng mga kabataang kagaya mo,
parang si Ding laging may dalang bato,
at ako naman, adik sayo.
Nasaan ka ba Pepe?
Hoy Pepe, ikaw na rin ang may sabi,
Na "Ang paglisan sa tahanang sinilangan at nilakihan
ay higit pa kaysa kung mawala ang kalahati ng sariling pagkatao".
At ikaw to ngayon ang nawawala,
Unti-unting nawawala sa puso’t diwa.
kasabay ng pagmamahal sa sariling bansa,
at mas minamahal ang salapi ng banyaga.
At Isa nanamang kababayan natin ang naka-ahon sa...
Na may kalakip na pighati, pagtitiis at pagsisisi.
Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin.
Ngunit pare-pareho tayong alipin ng salapi,
barya man o papel,
send QR, padala mo nalang sa Gcash.
Parang Ikaw Pepe, swerte malas.
Pepe na madalas makipag-sapalaran sa ibang bayan.
Alipin sa banyaga,
para sa kinabukasang maginhawa.
Ngunit, Pasasaan pa ang kalayaan
kung ang mga alipin ngayon ay sila din
namang mang-aalipin bukas?