19/09/2025
Si Daniel Quisa-ot, dating scholar, Dean’s Lister, at Math Wizard, ay nagkaroon ng mabigat na pagsubok nang siya ay mapagbintangan at makulong, isang semestre bago matapos ang kanyang kursong Electrical Engineering. Sa loob ng bilangguan, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa kabila ng hirap ng kanyang kalagayan. ingay, kaguluhan, kakulangan ng resources, at kawalan ng gadgets para sa research.
Hindi naging madali para kay Daniel ang lahat, ngunit dahil sa tulong ng kanyang pamilya, mga propesor, kaibigan, pati na rin ng university president at ng jail warden, natapos niya ang kanyang thesis na “Design and Installation of Jail Alarm and Communication System.” Kahit nasa kulungan, ipinakita niya ang determinasyon at kanyang pananampalataya upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maging engineer, katuparan ng pangarap din ng kanyang ama.
Nang ma-dismiss ang kaso niya, agad siyang kumuha ng board exam matapos pumanaw ang kanyang ama. Sa kabila ng kakulangan sa oras para mag-review at hindi dumaan sa review center, nakapasa siya at tuluyang nakamit ang propesyon.
Ngayon, si Daniel ay isang Electrical Engineer na at may apat na lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC): Electrical Engineer, Master Electrician, Registered Master Plumber, at Certified Plant Mechanic.
Para kay Daniel na 27 years old na ngayon, ang pananampalataya ang naging sandigan niya. Pinanghawakan niya ang talata sa Jeremiah 29:11 na nagsasabing may magandang plano ang Diyos para sa bawat isa. Ang kanyang mensahe sa mga taong may pinagdadaanan ay huwag sumuko, magpatuloy kahit mahirap, at laging humingi ng tulong sa Panginoon.
Ang kanyang kwento ay patunay na kahit sa likod ng rehas, hindi hadlang ang kapalaran upang maabot ang mga pangarap, kung may tibay ng loob, determinasyon, at may pananampalataya ka.