28/08/2026
Adamson sumikwat ng bronze, kinapos sa finals bid
Lumapag sa kauna-unahang bronze finish ang Adamson Soaring Falcons bagamat nasibak ng DLSU Green Aces, 1-2, sa 2026 UAAP Esports-Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) nitong Miyerkules sa MVP Studios, Mandaluyong City.
Sa kabuuan, umani ang Soaring Falcons ng 7-2 standing at kumamada ng siyam na puntos mula sa magkakasunod na dominanteng bakbakan kontra FEU at UP.
Naghari si Hilario kontra FEU, na bumuo ng anim na kills, walong assists gamit si Freya, bago muling magpasiklab kay Harith na may 10 kills, limang assists, at walang death.
Bagamat natakasan ng Tamaraws ang Lord sa gitna ng 12-2 run at 10k gold lead, sumabak sina Hilario at Valera sa clash upang i-wipe out ang FEU bago itulak ang 17-2 panalo.
Tuluyang kinubkob ng Falcons ang FEU para wasakin ang base hanggang sa tuluyang sinelyuhan ang 23-10 panalo.
Sa kasunod na seryeng kontra UP, nangratsda pa rin at binutas ng Adamson ang inhibitor turrets kasunod ng pagkuha sa Lord upang tuluyang pasukin ang base, 19-5.
Napanatiling buhay ang bentahe tungo sa ikalawang bakbakan sa kabila ng mas maigting na depensa ng UP, na rumesulta sa 14-7, na pinangunahan ni Valera.
Gawa ng pamamayagpag sa sunod-sunod na laro na binalikat ng mga strategic push at dipensa, sinagupa naman ng cast ang kapantay na koponan mula sa kabilang bracket kahapon.
Agad na nagpakilala ang DLSU at inagaw ang eksena nang muntik na maisahan ang base ng San Marcelino, bago tuldukan sa 20-11 ni Adamson gold laner Hilario.
Rumesponde naman ang Green Aces sa Game 2 matapos ma-outmaneuver ang Falcons at tuluyang magiba ang kanilang depensa hanggang maitabla ang serye, 7-19.
Nang manganib sa do-or-die na laban, lalong kinontrol ng DLSU ang mapa at ikinulong ang Adamson sa kanilang base upang kamkamin ang 15-2 at finals berth.
Ayon sa isang panayam kasama ang Adamson MLBB Coach John Carlo Argonza, inasahan na nila ang magiging pagsubok na harapin ang dalawang prominenteng koponan sa kabilang bracket.
“We know that the other bracket is stronger [than] our bracket […]. So we are expecting to sweep the group kasi we know na we’re the best [in] our group, it’s just that ‘yung nasa kabilang bracket is ‘yung dalawa nating magaling na nasa finals,” pahayag niya.
Mula rito, nangako ang Adamson Soaring Falcons na magpapakita ng mas solido at mas mahusay na laro para sa susunod na season upang makabawi sa hindi inaasahang pagkabigo.
Ang 2026 UAAP Esports-Mobile Legends: Bang Bang ay bahagi ng special demonstration event na ginaganap tuwing Agosto bilang paghahanda para sa opisyal na pagbubukas ng UAAP Season 89.
Ulat ni: Patricia Julian M. Paglinawan
Layout ni: Atlee Mae M. Nueva
Litrato mula sa: UAAP Media Team