
04/08/2025
MC Muah at Lassy Marquez, inaming nalulong sa sugal; mahigit P10 milyon ang natalo
Nagbukas ng saloobin ang magkaibigang komedyante na sina MC Muah at Lassy Marquez tungkol sa naging karanasan nila sa sugal.
Sa panayam ni Toni Gonzaga para sa "Toni Talks," inamin ng dalawa na mula 2011 hanggang 2016 ay naging bahagi ng kanilang buhay ang pagsusugal sa casino—isang bisyong humantong sa pagkatalo nila ng higit sa P10 milyon.
Si MC ang unang nahumaling sa sugal matapos ang pagpanaw ng kanyang ina. Ayon sa kanya, "Kasi uuwi ako ng after ng comedy bar, saan ako pupunta? Baka hindi ako makatulog? May naghikayat sa akin, sabi niya, 'Eto o, baka maaliw ka.’"
Nagsimula ito sa maliit na halaga, pero dumating sa punto na minsan ay natalo siya ng hanggang P800,000 sa isang gabi.
Dahil sa pagiging malapit nila ni Lassy, sumama rin ito sa kanya sa casino. Dahil sa tinatawag na "beginner’s luck", agad nanalo si Lassy noong unang beses niyang sumubok—kaya’t lalo siyang nahikayat.
Mula noon, halos araw-araw silang nagka-casino. Dumating sa punto na pumapa*ok silang walang tulog sa taping, shooting, at mga live show.
“P2,000 na lang yung naiwan sa bangko,” pagbabalik-tanaw ni MC. Si Lassy naman, napilitang isauli sa sanglaan ang mga alahas na dati’y bunga ng kanyang pagsusumikap. "Ang binabayaran ko na lang sa sanglaan, yung interest. Kasi hindi ko pa siya matubos," ani niya.
Na-realize ni Lassy na kailangan niyang ayusin ang buhay nang mapansin na ang ibang kasamahan nila sa comedy ay nakapagpundar na ng bahay. Si MC naman ay napaisip matapos marinig ang tanong ng mas batang komedyante: “Ay, Ate MC, ito na lang natira sa pera mo?”
Mula roon, sabay nilang hinarap ang pagbabago. Nagdasal sila at humingi ng panibagong pagkakataon.
“Lord, alam ko, may edad na ako ng unti. Pero bigyan mo pa ako ng isa pang chance para maging okay yung bahay ko,” ani MC.
Hindi nagtagal, may dumating na bagong oportunidad sa trabaho. Ayon sa kanila, ito ang naging simula ng panibagong yugto sa kanilang buhay.
“Ang daming dumarating na ibang work. So siguro sabi ni Lord, ‘Ito na lang,’” pahayag ni Lassy.