08/11/2025
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa umano’y pagbabanta ni Julie 'Dondon' Patidongan, ang tinaguriang “self-proclaimed whistleblower” sa kaso ng mga nawawalang sabungero, laban sa isang TV news reporter na nagko-cover ng naturang isyu.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Usec. Jose Torres, Jr., nakipag-ugnayan na ang ahensya kay Gary De Leon, correspondent ng ABC-5, na siya mismong nakaranas umano ng pagbabanta.
Unang ipinaabot sa PTFoMS ang insidente ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) matapos humingi ng tulong si De Leon sa grupo kaugnay ng umano’y banta sa kanyang buhay mula kay Patidongan.
Naganap umano ang pagbabanta noong Oktubre 27, 2025, nang subukan ni De Leon na kunin ang panig ni Patidongan at ng kanyang mga abogado hinggil sa isang ulat na kanyang ginagawa tungkol sa kaso.
Ibinahagi rin ni De Leon sa NUJP at PTFoMS na tinawag umano siya ni Patidongan na “biased at bayaran”, bagay na mariin niyang itinanggi.
Inaasahan ng PTFoMS na matatanggap nila ang opisyal na salaysay ni De Leon sa oras na maisumite niya ang kanyang affidavit hinggil sa insidente.