09/07/2024
Bago ka makarating sa dulo, tandaan mo na dudurugin ka sa proseso, paiiyakin, pababagsakin. Ipaparamdam sayo lahat ng pakiramdam na maaari mong maramdaman. Kekwestyunin mo kung tama ba ang tinahak mong daan, kung makakaya mo pa ang laban. Pagdududahan mo kahit ang sarili mong kakayahan, mapapaisip ka talaga kung makakarating ka sa dulo na lagi mong inaasam.
Bago mo mabuo at mahanap ang ikaw, maliligaw ka sa sarili mong daan, hindi mo maiintindihan ang mapa na ikaw lang ang nakakaalam, sasakay ka sa maling sasakyan at makakababa ka sa maling babaan.
Makakakilala ka ng maraming tao at ang ilan dito ay makukuha ang atensyon at interes mo, makakasabay mo ang ilan sa paglalakbay hanggang sa iilan na lang ang maiiwan.
Makakatagpo ka rin ng mga taong ipaparamdam sayo na nahuhuli ka na, balewala ka, na hindi ka mahalaga, pero mayroon ding magpaparamdam sayo na parang ikaw lang ang kelangan nya. Makakatagpo ka rin ng mamahalin pero wala pa sa dulo ay matatapos na kayo, mauulit muli ang proseso, kikilala ka ng bago at maiiwan o mang-iiwan ka sa gitna ng proseso, masasawa ka sa ganung kwento pero wala kang magagawa dahil hindi ka pa buo, wala ka pa sa dulo.
Pero ayos lang yan, okay lang kung sa ngayon ay naliligaw ka, kung maling sasakyan ang iyong napara, kung sa ibang terminal ka bumaba. Okay lang kung pakiramdam mo napag-iiwanan ka, kung nararamdaman mong balewala ka, dahil hindi ako magsasawang ipaalala sa'yo na sa isang libong tao na nagpaparamdam sayo ng mga ito, andito ako para sabihin palagi na mahalaga ka, kamahal-mahal ka at sobrang espesyal ka. Okay lang kahit nasa gitna ka ng proseso o kung inulit mo na naman ito, tandaan mo na makakarating ka rin sa dulo– buo at kontento.
Naniniwala ako na sa dulo ng lahat ng ito, may nakalaan para sa'yo. Makakalaya ka rin pag natapos mo ang laban na tahimik mong ipinapanalo.
📸