20/02/2025
PNP, WALANG PUANG SA ABUSADO: 753 PULIS TINANGGAL SA SERBISYO SIMULA ABRIL 2024
Sa ilalim ng matatag na pamumuno ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil, nananatiling matibay ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng disiplina at pananagutan sa hanay ng kapulisan. Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mataas na integridad sa pagpapatupad ng batas at palakasin ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Mula Abril 1, 2024, hanggang Pebrero 12, 2025, umabot sa 753 PNP personnel ang na-dismiss sa serbisyo dahil sa iba't ibang mabibigat na paglabag, kabilang ang 493 kaso ng AWOL, 38 kaso ng paggamit ng ilegal na droga, 18 kaso ng robbery/extortion, 15 kaso ng carnapping, at iba pang seryosong paglabag tulad ng homicide, murder, r**e, at graft/malversation.
Ayon kay PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, walang puwang sa organisasyon ang mga pulis na lumalabag sa batas. “Ang ating mandato ay protektahan at pagsilbihan ang mamamayan, hindi sila takutin o abusuhin. Ang sinumang pulis na masasangkot sa iligal na gawain ay hindi natin kukunsintihin.”
Dagdag pa niya, “Karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng isang kapulisan na maaasahan, tapat, at propesyonal. Ang bawat hakbang natin sa pagpapatibay ng disiplina ay bahagi ng ating pagsisikap na makuha at mapanatili ang tiwala ng publiko. Kung sino man ang lumabag dito ay hindi na dapat pang manatili sa serbisyo.”
Tinitiyak ng PNP na ang lahat ng dismissal cases ay dumaan sa due process, makatarungang imbestigasyon, at administrative review. Bagama’t hindi ipinapa-media ang mga indibidwal na kaso, mahigpit ang internal monitoring at pagpapatupad ng disiplina upang mapanatili ang kredibilidad ng organisasyon.
Upang mapanatili ang tiwala ng publiko, patuloy na ipinapatupad ng PNP ang ethics training, internal audits, at performance monitoring upang masigurong tanging mga kwalipikado at mapagkakatiwalaang pulis lamang ang nananatili sa serbisyo at naglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Sa kabuuan, mula Enero 1, 2022, hanggang Pebrero 12, 2025, umabot na sa 2,598 PNP personnel ang na-dismiss sa serbisyo.