02/06/2026
MAITIM NA TUBIG NA NAKUNAN NG VIDEO HABANG DUMADALOY SA DAGAT SA EL NIDO, PALAWAN, HINDI GALING SA MGA HOTEL AYON SA DENR
Hindi umano nagmumula sa mga hotel ang maitim na tubig na direktang dumadaloy sa dagat sa Brgy. Masagana, El Nido, Palawan gaya ng video na kumalat kamakailan sa social media.
Ito ang lumabas sa isinagawang site inspection ng DENR-EMB, katuwang ang lokal na pamahalaan, sa ilang mga establisyemento sa lugar.
Ayon kay DENR-EMB Regional Director Joe Amil Salina, walang kumpirmadong ebidensya na ang maruming tubig ay nanggagaling sa discharge o waste water ng mga hotel.
Paliwanag ng ahensya, ang mga resort sa lugar ay nakalista sa mga establisyementong nakakabit sa Sewerage Treatment Plant (STP).
Dahil dito, sa kanilang general assessment, lumalabas na nagmumula ang maruming tubig sa upstream drainage o sa mga kabahayan na dumadaloy patungo sa outfall ng Brgy. Masagana.
Nabatid na umani ng samu’t saring komento at reaksyon ang viral video ng maitim na tubig at masangsang ang amoy na dumadaloy sa dagat matapos na makaranas ang munisipyo ng pag-ulan nitong nagdaang weekend.
DISCLAIMER: Radyo Bandera Philippines is an independent media organization. All content posted is for news reporting, public information, and educational purposes only. We do not promote, endorse, or are affiliated with any political party, gambling platform, health product, or individual unless explicitly stated. Viewer discretion is advised, especially for sensitive content.