25/07/2025
NATIONAL CAMPUS PRESS FREEDOM DAY • July 25, 2025
Hindi basta isinisilang ang isang malayang publikasyon. Maingat na sinusuyod ang mga silid-aralan upang hamigin ang mga sisidlan ng katotohanan. Pinapanday muna ang isip at pangangatwiran bago ito sumabak sa paglalakbay.
Sabay ang bawat kasapi nito sa pagtuklas ng mga karakter, daloy, istilo, at esensya ng kanilang mga kwentong may kakayahang baguhin ang takbo ng kapalaran ng kaniyang paaralan– o ng isang komunidad.
Sa kalsada at sigalot– at hindi sa pagmimina ng pekeng ginto– ang pakikibaka ng isang campus journalist. Lumulusong siya sa burak, binabagtas ang mga ragasa ng ilog at tarik ng bundok, sumasagot sa paniniil ng masasama, at sumasalag siya para sa karapatan niya bilang isang tao.
Bulag, bingi, at p**i man sa kasinungalingan at panlalamang ang lipunan na kanyang kinatitirikan, siya ay masikap pa rin na nagtatanong at humahamon sa mga sagot ng kanyang tanong. Tumatayo siya sa ngalan ng integridad. Hinihinang niya ang kaniyang kakayahan na salain ang gawa ng tao at gawa ng makina, ang wangis ng totoo at wangis ng huwad, at ang bahid ng hustisya at bahid ng korupsyon.
Bilang alagad ng diyurnalismo, normal na sa kanya ang pagkahapo at pagkapaos— dahil sumisigaw tayo para sa patas na pagtingin ng lipunan. Hangga't opinyon lamang ang pagtatama dahil sa kawalan ng kapangyarihan, hangga't pabango pa rin ang tingin ng tao sa midya, at hangga't tinatakot ng mga konserbatibo ang mga batang lider na gustong magkaroon ng gulugod, hahanap at hahanap siya ng paraan upang mabatid ng kanyang bayan ang kanyang atungal.
Sa puso ng isang hinuhubog na journo, higit sa pundasyon sa pag-uulat at pagmumulat, ang campus journalism ay pagpapatibay sa kakayahan na tumindig, pagbuhay sa halaga ng pakikisangkot, at pagpapatuto na pumiglas para sa kalayaan ng kanyang sarili at ng bayan.
Walang isininalang na malaya. Pagkaluwal pa lamang natin, nakagapos na agad tayo sa baluktot na sistema ng sangkatauhan. Kaya hindi pinipili ng publikasyon ang kanyang kasapi, bagkus mapalad ang may busilak na layunin lamang ang nakatatagpo at nakakadaupang-palad nito. Nawa ang pinalad ay matutunan ang kalayaan.
***********
Nakikiisa ang Diyaryo Mabuhay sa pag-oobserba sa National Campus Press Freedom Day. Tumitindig ang publikasyon sa probisyong nakasaad sa Republic Act No. 11440 na karapatan ng mga campus journalists na magpahayag, mag-ulat, at magbigay ng komentaryo at opinyon ng walang pagbabanta at pananakot. Hindi ito pagdiriwang bagkus isa itong araw ng pagpapaalala na patuloy pa rin ang pagpapatahimik at paniniil ng mga konserbatibo at nasa kapangyarihan. Tandaan na ang bawat isinusulat– o hindi isinusulat– ng isang batang journo ay instrumento upang gisingin ang kamalayan ng kanyang henerasyon at bayan.
Hangga't walang espasyo sa lipunan na ito ang katotohanan, hindi natatapos ang paglaban para sa ganap na kalayaan ng pahayagang pangkampus.