12/09/2025
KULTURA , PAGKAKAISA AT KALAYAAN , IPINAGBUNYI SA PAGTATAPOS NG BUWAN NG WIKA AT ASEAN
Ni: Jay Albert Rosario
Wika, ASEAN, kabataan at pagkakaisa ay mga elementong nagbigay buhay sa programang Timpuyog 2025 ng Binalatongan Community College noong ika-1 ng Setyembre, sa Arenas -Resuello Sports Complex.
Isinagawa ang programa bilang pagtatapos ng Buwan ng Wika, Buwan ng ASEAN at Linggo ng Kabataan, kung saan nakilahok ang buong komunidad ng BCC sa mga nasabing pagdiriwang.
Samut-saring pagtatanghal na sumentro sa pagkilala sa mayayamang kultura at kasaysayan ng ng mga bansang kasapi sa ASEAN , tulad ng Pilipinas , ang nagbigay kulay sa nasabing palatuntunan .
Kinagiliwan ng mga manonood ang mga sayaw at drama na itinanghal ng BINHI Performing Arts, madulang sabayang bigkas ng tula at pag awit ng mga nagwaging kalahok mula sa Teacher Education Department at IT Department .
Umani ng masigabong palakpakan mula sa mga manonood nang inirampa ng mga kawani ng BCC ang mga naggagandahang kasuotan ng sampung bansa na kabilang sa ASEAN. Nangibabaw ang kasuotang iminodelo nina Dr. Jesusa Alguno ( Singapore) , G. Francis Crisostomo at G. Julius Degamo ( Myanmar), na dahilan para pagkalooban sila ng espesyal na pagkilala sa kanilang mga iminodelong kasuotan.
Bahagi rin ng programa ay ang pagbibigay gantimpala sa mga nagwaging mag-aaral sa iba’t ibang patimpalak na ginawa sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, Buwan ng ASEAN at ng Linggo ng Kabataan, kabilang na rito ang slogan poster-making, madulang sabayang bigkas, at iba pa.
Ginawaran ng sertipiko ng pagkilala ang Supreme Student Council , Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Wikang Filipino (KAMAFIL) at LNK sa matagumpay na pagtataguyod ng mga gawain sa tatlong pagdiriwang na ginanap noong buwan ng Agosto.
Mga mensahe at payo ukol sa pagbubuklod , pagyakap sa wikang Filipino, disiplina at pagkilala sa kultura ng iba’t ibang bansa sa ASEAN ang binigyang diin nina Dr. Macrina Cajala , pangulo ng BCC, at ni Mdm. Vienna Rose Magramo, tagapangasiwa ng BCC, sa kanilang mga pananalita.
Sa pagtatapos ng programa, hinimok ni Bb. Geniele Latonero, pangulo ng KAMAFIL , ang lahat na isabuhay ang Timpuyog hindi lamang sa buwan ng wika, kundi sa anumang panahon upang lalo pang umusbong ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa.
Kuha nina: Linsay Galsim, Ela Shilla Solomon, Glene Malicdem, Rainsky Rush Padua, Rholyn Jane Infestan, Carl Stevenz Camagay, Mary Joy Ursua at Julette Agbuya