31/07/2025
HINDI LAHAT NG BASURA, GALING SA ANGELES CITY: DPWH PAMPANGA
Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pampanga 3rd District Engineering Office na hindi lahat ng basurang bumabara sa mga kanal sa lalawigan ay mula sa Angeles City.
Tugon ito sa mga alegasyon ng ilang local officials na galing umano sa naturang lungsod ang malaking bahagi ng mga basurang natagpuan sa mga daluyan ng tubig.
Base kasi sa reklamo ng ilang opisyal, ang mga nakuhang basura sa kanal ay tila nagmula sa itaas na bahagi ng lalawigan, partikular sa Angeles City, at bumaba patungong City of San Fernando at Bacolor.
Iginiit ni District Engineer Arnold Ocampo na tanging ang “Sapang Balen” River Channel lang ang direktang konektado sa waterways ng City of San Fernando. Aniya, ito ang bahagi ng daluyan na sakop ng kabisera ng Pampanga.
Samantala, bukas umano ang DPWH sa mungkahi ni Provincial Governor Lilia “Nanay” Pineda na magtayo ng konkretong trash trap sa hangganan ng Angeles City at City of San Fernando upang maagapan ang problema sa basura sa mga kanal. | via Paulo Gee Santos, CLTV36 News