25/08/2025
𝐏𝐚𝐠𝐤𝐢𝐥𝐚𝐥𝐚 𝐬𝐚 𝐌𝐠𝐚 𝐓𝐮𝐧𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐁𝐚𝐲𝐚𝐧𝐢 🇵🇭
𝗜𝘀𝗶𝗻𝘂𝗹𝗮𝘁 𝗻𝗶 𝗧𝗵𝗲𝗮 𝗦𝗮𝗻𝘁𝗼𝘀
Sa pagtatapos ng Araw ng mga Bayani, nais nating kilalanin ang sakripisyo at paglaban hindi lang nina Rizal at Bonifacio, kundi pati na ang mga bayaning hindi nabibigyan ng puwang sa kasaysayan, ang mga taong patuloy na nagbubuwis ng buhay, pawis, at dugo para sa bayan.
Sa araw na ito, atin ding kinikilala ang mga manggagawa, magsasaka, at mangingisda na sa kabila ng pang-aapi at kahirapan, sila ay naninindigan. Lalo na ang ating mga kasapi sa Philippine Coast Guard na nakadestino sa West Philippine Sea na araw-araw na nanganganib at hinarap ang pangha-harass ng dayuhan, maipagtanggol lang ang ating karagatan.
Binibigyang-pugay din natin ang mga peryodista’t mamamahayag na matapang na nagsasalita para sa katotohanan sa kahit pa pagbantaan ang kanilang buhay. Bayani ring maituturing ang mga aktibista na walang takot na nilalabanan ang ating karapatan at kawalan ng hustisya. Bayani rin ang mga katutubo na naninindigan para sa kanilang lupang ninuno.
Ang paggunita sa Araw ng mga Bayani ay hindi lang pagbabalik-tanaw sa nakaraan, kundi isang panawagan para sa kasalukuyan. Panawagan na kilalanin natin ang mga nasa paligid natin na naglilingkod at lumalaban nang walang hinihintay na kapalit.
Hindi man sila nakalista sa mga libro, ang kanilang kabayanihan ay makikita sa bawat araw na lumalaban sila para sa atin. Itigil na ang pagiging sunud-sunuran sa iilang pangalan. Maging mulat, maging matapang, at kilalanin ang tunay na mga bayani ng ating panahon.
👨💻: Vince Blanco