09/08/2025
𝗜𝗦𝗣𝗢𝗥𝗧𝗦 | 𝗛𝗮𝗻𝗴𝗴𝗮𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗛𝘂𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗕𝘂𝘄𝗲𝗹𝗼 𝗻𝗴 𝗘𝘀𝗸𝗿𝗶𝗺𝗮
Larong may likas na ritmo, bagsik, at dangal sa isang entablado ng mga aninong gumagalaw sa ihip ng hangin, minsan nang namayagpag ang Arnis bilang sandata. Ngunit sa paglaon ng panahon, unti-unti na rin itong naisantabi, tila musika ng instrumentong pinatatahimik ng makabagong aliw at palakasan.
Bagama’t hindi kasing-sikat ng ibang isports na kinagigiliwan ngayon sa Pinas tulad ng basketbol, isa ang Arnis o kung tawagin dati ay “eskrima” at “kali” sa mga unang umusbong at lumaganap na laro sa bansa dahil sa angkin nitong kultura, tradisyon, at kakaibang atletismo.
Noong ika-11 ng Disiyembre, 2009 idineklara ang Arnis bilang pambansang martial art at isports ng Pilipinas sa bisa ng R.A. 9850 na nilagdaan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nakasaad sa batas na dapat ilagay ang simbolo ng Arnis sa selyo ng Philippine Sports Commission at ito ang maging unang laro na isagawa sa bawat pagbubukas ng Palarong Pambansa.
May iba’t ibang taktika sa paglalaro at paggamit ng Arnis. Maaaring gumamit ng isang baston, dalawa gaya ng sa sinawali, o kaya’y kombinasyon ng sandata at kalasag tulad ng espada y daga. Ngunit ang isa sa mga pinaka teknikal na estilo rito ay ang Arnis Duelo.
𝗣𝗮𝗴𝗶𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗹𝗼 𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗮𝗹𝗼
Ang Pampanga ay isa sa mga itinuturing na tahanan ng Arnis Duelo na kung tawagin ay sparring o kunwaring labanan. Dito ay kung saan patuloy na pinagyayaman ang sinaunang anyo ng palakasan na may kakaibang estilo.
Pangunahing mekaniks sa larong ito ay tamaan ang target habang nasa likod ng isip ang pagsunod sa mga rules at guidelines para sa kaligtasan at patas na laban. Kabilang din sa mahahalagang elemento ang mga teknik sa paghampas, depensa, at tamang footwork upang mapanatiling balanse ang katawan.
Ang kampeonato sa Arnis Duelo ay maaaring maibulsa batay sa bilang ng mga kumonekta at wastong palo, habang ang mga foul ay maaaring magbawas sa kabuuang iskor ng isang manlalaro.
Mahigpit na ipinagbabawal ang mga paglabag sa patakaran tulad ng ilegal na hampas, pagpapabagal ng laban, at paglabas sa itinakdang lugar. Ito ang mga halimbawa ng mga foul na dapat iwasan ng mga manlalaro. Sa kabila ng bilis, tensyon, at matinding palitan na mga hampas, ang kaligtasan ng mga manlalaro ang nananatiling isa sa mga layunin.
𝗛𝗮𝗺𝗽𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗮𝘁𝗮
Ang Philippine Eskrima Kali Federation (PEKAF) ang nag-iisa at pinaka mataas na kinikilalang pangunahing tagapamahala ng Arnis sa bansa. Kinikilala ito ng Philippine Sports Commission (PSC) at kaanib na miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC).
Huling namayagpag ang Arnis noong July 30, 2024, matapos maiuwi ng Kapampangan na si Karl Cayanan ang gintong medalya sa PEKAF Championship 2024 sa Mandaue Sports Complex, matapos niyang gapiin si Noel Reyes ng Davao.
“Whenever I compete, I treat the Arnis as part of my own body so I can feel more confident and play better,” saad niya.
Samantala, ginanap naman ang ika-37 na pagpupulong ng Board of Trustees noong June 25, 2025 sa Makati City na pinamunuan ni Sen. Juan Miguel F. Zubiri, presidente ng PEKAF na tinalakay ang mga posibleng petsa ng mga susunod na liga sa unang quarter ng susunod na taon.
Ayon kay Sen. Zubiri, mas makabuluhan sanang ituro sa mga estudyante, pulis, at militar ang Arnis, Kali, at Eskrima bilang alternatibong physical training, lalo’t sariling atin ang mga ito at ginagamit pa ng mga elite forces sa buong mundo.
“Imbes na puro Zumba o sayaw ang ginagawa sa PE o training, bakit hindi Arnis ang ituro? Eh sarili nating martial arts 'yan—ehersisyo na, self-defense pa,” giit ng ama ng Arnis Law.
Sa kabilang banda, kung matatandaan, dinomina ng mga atletang Pilipino ang 2019 SEA Games pagdating sa larangan ng Arnis. Ginanap ito sa Pilipinas kung saan sila ay nakasungkit ng 14 gintong medalya sa kabuuan.
𝗔𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗿𝘂𝗽𝗼𝗸 𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘀𝘁𝗼𝗻
Gayunpaman, sa kabila ng pormal na pagkilalang natamo nito, madalas pa rin na natatabunan ang Arnis ng mas tanyag na mga laro sa bansa. Hindi man ito kasing sikat ng ibang isports, tulad ng sipa at sepak takraw na makikita pa sa mga kalye hanggang ngayon, ngunit dala nito ang lalim ng kultura, disiplina, at diwang Pilipino.
Sapagkat sa bawat hampas ng baston sa Arnis, hindi lang teknik ang naipapasa kundi ang kwento ng isang lahing marunong lumaban ng buong tapang upang patunayan ang lakas ng dugong Pinoy.
Habang lumilipas ang panahon, kasabay ng pagtanda ng mga manlalaro nito ay paghina ng ingay sa mga dojos ang tahanan ng Arnis. Ang dating matibay na sining, ngayo’y nauupos sa lilim ng makabagong laro at kultura. Sa bawat palong nalilimutan, may pamanang unti-unting binubura ng panahon.
----
Mula sa mga salita ni John Lloyd Lobo
Larawan mula sa Philippine Eskrima Arnis Kali Federation (PEKAF)