
25/07/2025
๐๐๐๐ง๐ข๐ฅ๐ฌ๐๐ | Nakaka(t)awa
Kapag may sakuna, dapat seryosoโpero bakit parang may comedy skit ang gobyerno?
Nagmamakaawa ang bayan sa hagupit ng walang humpay na pag-ulan. Pinadadapa ng malalakas na hagin. Inilulubog ng rumaragasang baha. Tuwing sasapit ang ganitong uri ng sakuna, kanya-kanyang pagtutok ang mga tao sa pahina ng mga lokal na pamahalaan para sa mga agarang anunsyo, gaya ng suspensyon ng klase at pasok sa trabaho. Ngunit imbes na malinaw at kumpletong impormasyon, tila ginagawa pang punchline ng mga politiko ang lupit ng bagyo.
Nakapanlulumong isipin na kahit sa pinakapayak na tungkulin ng gobyerno, nadidismaya pa rin tayo. Manhid na nga rin marahil ang marami sa atin kayaโt imbes na nakakatawa, nakagagalit ang insensitibong caption na ginamit ng Department of the Interior and Local Government sa deklarasyon nito ng pagkakansela ng pasok. Walang dahilan at katwiran ang pilit at wala sa hulog na pagpapatawa. Hindi nakakatawa ang kalunos-lunos na sinasapit ng libo-libong pamilya na wala nang uuwiang tahanan, o hanapbuhay na babalikan, o mahal sa buhay na muling masisilayan.
Kalbaryo ang dala ng bawat sakuna. Isang mahalagang banta ang iniiwan ng mga mapaminsalang bagyo na tumama sa bansa. Naikintal na sa ating isip ang hagupit at takot na dala ng Super Typhoon Yolanda noong 2013, Bagyong Odette noong 2021, at STY Pepito nito lamang nakaraang taon. At ngayon, nasa kalahati pa lamang tayo ng 2025 ngunit panibagong pakikibaka na naman, hindi lamang sa Bagyong Crising kun'di maging sa mga iresponsableโt umaastang komedyanteng lider na lalong naglalagay sa atin sa alanganin.
Bukod sa nakagagalit, delikado rin ang ginagawang pagpapasikat ng DILG at ibang lokal na pamahalaan. Tila hindi tunay na nabibigyang bigat at saysay ang nakababahalaโt nakaaawang sitwasyon ng mga tao. Isang kabastusan na ginagawang biro o katatawanan ang seryosong usapan. May tamang oras at panahon sa pakikipagbiruan, at hindi ito ang angkop na pagkakataon para rito.
Bagaman humingi ng dispensa, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nais lamang nโya na pagaanin ang sitwasyon at wala rin umano s'yang minaliit o hinamak. Ngunit malinaw na minalit ng ahensya ang kasalukuyang lagay ng mga tao. Iisa tayo ng bansang ginagalawan, pero hindi iisa ang ating katayuan. Habang maginhawaโt masarap ang kanilang pagtulog, marami ang gusto mang umidlip, ngunit hindi magawa dahil sa takot na sa paggising nila ay haharap sila sa panibagong bangungot.
Samantala, bukod sa ganitong uri ng kapabayaan, nakababahala rin kung paanong tila walang imik ang gobyerno sa kasalukuyang unos na kinahaharap ng bansa. Ganoon na lang kung ipangalandakan ng kasalukuyang administrasyon ang bilyones nitong flood control project na ayon sa Department of Public Works and Highways ay umabot na sa mahigit 9,000 ang natatapos. Muli ring humihiling ang ahensya ng โฑ150 bilyong budget para sa karagdagang flood control projects para sa susunod na taon. Kung susumahin, trilyones na ang nauubos ng pamahalaan para sa mga flood control projects simula pa 2009 ngunit kada tatama ang bagyo, kulang na lang ay mabura sa mapa ang mga lugar sa bansa dahil sa labis na pagkakalubog bunsod ng tuloy-tuloy na pagbaha.
Nasaan na ang mga flood control projects? Umaabot sa โฑ1.4 bilyon ang ginagasta ng gobyerno sa pagpapagawa nito kada araw ayon kay Senador Joel Villanueva, ngunit hayag na wala pa rin itong dulot at malinaw na epekto. Kaya't walang ibang magagawa ang mga tao kun'di ang magtiis, maging matatag, at umasang makaliligtas pa sa delubyo. Taon-taon, napipilitan ang mga Pilipino na magsariling-sikap sa paghahandaโt pagsasalba ng kanilang mga sariliโkanya-kanyang paraan upang mapigilan ang matinding pananalasa na umaabot pa sa paglalagay ng sariling mga flood gates. Tuloy, nagiging kanya-kanya rin ang flood control projects dahil inanod na sa baha ang dapat ay magmumula sa gobyerno.
Sa panahon ng sakuna, naimulat tayo sa kultura ng pagiging matatag, ng pagiging masayahin kahit nagdurusa na. Magandang katangian daw ito ng mga Pilipino dahil simbolo ito ng pag-asa. Pero sa likod, simbolo rin ito kung paano umaasaโt nagiging palaasa ang gobyerno sa kakayahan ng publiko na bumangon gamit ang mga sariling paa kahit walang suporta at pag-alalay nila. Simbolo rin ito sa kung paanong bahala na tayo kung paano muling magpapatuloy bastaโt sila ang bahala sa pagpapatawa at pagbibigay ng dalawang delata at ilang pakete ng noodles na may mukha pa nilaโsila pa rin talaga ang bida.
Gaya ng kung paano tayo ituring na mga โabangersโ tuwing โalaws sokpa,โ tayo ang inaabangan nila na gumawa ng aksyon para sa responsibilidad na dapat ay nakaatang sa kanila. Ilang beses man silang humarap sa kamera at magpaalala na maging responsable sa pagtatapon ng basura, o โdi kaya'y mang-enganyo na makilahok sa pagtatanim ng mga puno sa bundok, hinding-hindi tayo nito maisasalba hanggang sa likod ng kamera ay sila ang nangunguna sa pagkalbo ng mga kagubatan para sa kanilang ikayayaman.
Sanay na tayong maiwan, mapabayaan, malimutan. Ngunit panahon na rin para masanay tayong maningil. Manindigan. Magtanong. Maghabol ng pananagutan. Ang iniluklok nating mga lider ay dapat tagapaglingkodโhindi komedyante sa gitna ng sakuna. Hindi tawanan ang sagot sa trahedya, kundi tapat na serbisyo. Sa bawat pagbaha, lumulubog din ang tiwala ng taumbayan.
Panahon nang pigilan ang pagbaha ng kapabayaan. At itigil na ang pagpapatawa sa gitna ng pagkalunod ng bayan.