23/03/2024
Dear Dr. Love,
Itago n’yo na lang po ako sa pangalan na Ivan. Gulong-gulo ako sa nararamdaman ko ngayon. Tila ako mismo ay hindi na kilala ang sarili ko.
Nagsimula po lahat noong nahulog ang loob ko, nang hindi sinasadya sa best friend ko. Hindi ko po alam paano nagsimula. Isang araw nagulat na lang ako na mahal ko na ang taong ito. Pilit kong nilabanan ang nararamdaman ko para sa kanya dahil alam ko na hindi tama. Pareho po kasi kaming lalaki. Lalaking-lalaki ang emotions, actions pati mga hilig ko. Naranasan ko rin po manligaw at magka-girlfriend.
Noong una akala ko best friend lang ang pagtingin ko sa kanya, at isa ring kapatid. Close pa ako sa family niya at ganun din po siya sa family ko. Nakilala ko po kasi during my high school life, mabait po siya at jolly. Hearthrob nga siya ng campus noon.
Nagkataon po kasi na may problema ako sa pamilya noon at mabilis po niya nakuha ang tiwala ko, naging open ako sa kanya. Ganun din siya sa akin. Hanggang naging close friend kami, eventually, naging mag-bff kami.
Ngayon ay magkaklase po kami sa college, at may girlfriend na po siya. Classmate rin namin ‘yung girl, pero hindi ko po maintindihan, nagseselos ako sa babae. Nasasaktan ako tuwing nakikita ko silang magkasama. Always ko silang nakikita kasi iisang section lang kami.
Dumating sa point na hindi ko na sila kinakausap at kunwari hindi ko na sila kilala, at nag-pretend po ako na walang pakialam. Pero sa loob ko, sinayang ko ang friendship namin. Walang araw na hindi nasasaktan ang puso ko, sobrang sakit po na makita ang taong mahal mo na nagmamahal ng iba. Ayaw ko rin po masira ‘yung male identity ko kaya until now wala akong outlet ng lahat ng nararamdaman ko, sobrang bigat na po at sa palagay ko hindi ko na kaya.
Payuhan n’yo po ako.