
18/07/2024
Para sa saydwok na naging mahabang daan ko paakyat ng entablado. Para sa mga bilaong kasama ko sa pagtanggap ko ng diploma, at para sa mga magagaspang kong kamay na nagpupunas ng pawis ko tuwing matatamaan ng init ng araw sa pagtitinda.
Ayoko sanang magsulat nang mahaba dahil baka wala namang magbasa, kaso ay sayang naman ang oportunidad para makapagkuwento kaunti ng naging buhay ko. Sabi nga kahapon, kami ang main character kaya sige, susulitin ko na.
Pitong taon siguro ako nung nag-transfer ako rito sa Bulacan mula sa Pangasinan, Grade two. Ang trabaho ng tatay ko noon sa probinsya ay tricycle driver at si mama naman ay nangangalakal ng mga sirang gamit, bakal, at karton gamit ang bisekleta niya sa ilalim ng init ng araw. Hindi pa ako mulat noon sa hirap pero basta paborito ko ang lutong ulam na munggo na binibili nila mama sa kanto, at lalo kapag may isang bukas na bumbilya kami tuwing pasko at bagong taon dahil maswerteng napakaiusapan ni papa ang kapitbahay na pakabitin kami ng kuryente sa espesyal na mga araw. Pumapalakpak ako sa mga araw na ‘yon pero hindi ko alam na simbolo ang bumbilyang ‘yon sa kahirapan namin.
Kaya lumipat kami sa Bulacan sa tulong na rin ng mabait kong tiyahin. Pagtitinda naman ang pinagkakitaan ng pamilya rito. Apat kaming mga anak na puro babae lahat ay mga nag-aaral pa. Bigasan ang una naming negosyo, kaso dos lang ang kita namin dito per kilo, mababa ang kita at mataas ang puwesto. Kaya sumubok naman sa pagtitinda ng niyog sila mama at papa, kami namang magkakapatid ang nagtitinda sa sidewalk ng butchi hanggang hapon.
Kaya lang kulang pa rin talaga dahil kolehiyo na ang panganay namin noon at may mga utang kaming binabayaran tuwing sasapit ang alas nuebe ng gabi. Ang baong lagayan namin ng benta noon ay puro sentimo na lang ang natitira pag-uwi dahil ang araw-araw na kita ay pambayad lang sa puwesto at utang at pang puhunan ulit sa kinabukasan.
Kahit na ganun, hindi ko naranasan ang magutom.
Kaso kahit busog, kulang pa rin talaga, kaya sumabak mag-isa ang pangalawa kong ate sa Maynila at naging working student sa McDo. Masaya kami tuwing weekend dahil uuwi siyang may dalang bucket ng fried chicken na tingin ko’y hindi ata libre at kinakaltas din sa maliit niyang sahod. Sa tindahan naman ay pareho pa rin ng sitwasyon, ubos naman ang mga panindang niyog ni papa kaso nakapagtatakang ubos din ang benta namin. Sabi ni papa’y tama na dahil parang nagtitinda lang kami pambayad ng utang. Tama siya.
Kaya nagsara na kami nang tuluyan, binayaran lahat ng utang at nanatili nalang sa pagtitinda sa sidewalk kung saan medyo nakaluwag-luwag kami. Kaso, araw-araw kaming babad sa init. Noong online class madalas nagtitinda muna ako bago pumasok, o kaya’y maglo-load at makikinig sa klase habang nagtatawag ng customer na dumadaan sa puwesto. Minsa’y huhulihin pa ng mga traffic enforcer. Mabuti ay kaibigan na namin ang iba at napakikiusapan.
Mapapatunayan niyong sikat kami sa palengke kapag napunta kayo rito sa Sampol at tanungin ang mga enforcer kung sino ang pinakapasaway na mga tindera, siguro’y nasa top 1 ang mga tindera ng butchi. Minsan nagrereklamo na sila dahil ang tagal daw naming gumradweyt at nang wala ng pasaway sa Sampol.
Nung nagbalik na sa ftf ang klase, mag-isa na lamang ni mama sa pagluluto at pagtitinda, minsa’y nagpapa-late ako dahil tutulong muna alo saglit sakanya bago pumasok, kilala naman na ako ng mga kaklase ko bilang laging late. Dala-dala ni mama ang isang bilao ng butchi sa uluhan niya at isang malaking bilao naman sa kanang baywang niya, hindi ko alam kung gaano kabigat pero hindi ko sinubukang buhatin ng dalawa dahil mabigat at hindi ko kaya. Aakyatin niya ang pataas na palengke at bababa kapag hindi na talaga kaya ng balat niya ang init ng araw o ng malakas na ulan, uuwing masakit ang leeg at paa.
Mainit sa sidewalk, tanging maliit na payong lang ang pamprotekta namin sa mga balat namin, kaya matagal ko nang insecurity ang kulay ng balat ko, lalo ngayong kolehiyo dahil lahat ng ka-edad ko ay makikinis at mababango, malambot ang mga buhok at sopistikada tingnan. Samantalang ako, sinusubukang itago ang maitim na balat gamit ang cardigan na binili sa ukay o kaya nama’y sa shopee, akala ng mga kaibigan at kaklase ko ganon talaga ang fashion sense ko, minsa’y binibiro na mainit na ay naka-jacket pa rin ako. Mahal ko naman ang balat ko pero, basta.
Maraming taong nangmaliit sa pamilya namin, mababa ang tingin, pero mas marami kaming suki kaya dedma haha, hindi ko alam kung paano tatapusin ito, pero maraming salamat sa lahat ng suki namin ng butchi, kasama kayo sa success ng pamilya namin. H’wag muna kayong malungkot dahil hindi pa naman kami magsasara, hahanap muna ng trabaho ang mga tindera bago magretiro sa pagbubutchi.
Lubos na nagpapasalamat sa aming mga suki,
Kaye
Bunsong anak, pang-apat na gradweyt ng pamilya