15/10/2025
PFNHS, Earthquake Preparedness Orientation: "Kampante ang May Alam"
Paradise Farms National High School (PFNHS) – Bilang bahagi ng kanilang programang pangkaligtasan, matagumpay na idinaos ng PFNHS ang Orientation on Earthquake Preparedness noong Oktubre 14, 2025. Layunin ng aktibidad na itaas ang antas ng kamalayan at kahandaan ng mga mag-aaral sa pagharap sa mga sakuna, partikular na ang lindol.
Pinangunahan ni Ma’am Marissa Pedrezuela ang programa bilang Master of Ceremony. Nagbukas ang programa sa isang taimtim na panalangin na pinangunahan ni Ma’am Jane Tuan. Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Ma’am Rossana Delante, Grade 10 Curriculum Chairman, ang temang "Kampante ang may alam," na nagmula sa mensahe ni Dingdong Dantes.
Nagbahagi si Sir Joseph Batingan ng mga kritikal na impormasyon tungkol sa evacuation routes, hazard maps, at ang paggamit ng hazardhunter.ph upang matukoy ang antas ng kaligtasan ng isang lugar. Binigyang-diin niya na, “We can’t tell the hazard around us,” kaya’t mahalaga ang pagiging handa sa lahat ng oras.
Kasunod nito, nagbigay si Sir Jackie Camitoc ng Basic Life Support at First Aid Training. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa mga nasugatan o nahihilo sa panahon ng lindol, at nagpakita ng mga praktikal na paraan ng pagtulong at mga nararapat gawin sa oras ng kalamidad.
Nagpahayag ng pasasalamat si Ma’am Shiela Gonzales, TLE Teacher III, at pinuri ang inisyatiba ng paaralan. Ibinahagi rin ni Ma'am Emmyteddy Diaz ang kanyang personal na karanasan at ang kahalagahan ng mga ganitong pagsasanay.
Isa sa mga dumalo, si Ma'am Andrea Santos, English 8 Teacher, ay nagbahagi ng kanyang natutunan: “Kanina, natutunan ko ang tamang ‘duck, cover, hold.’ Mag-ready po tayo para mai-share itong information na ‘to, para hindi lang tayo ang may alam ng mga gagawin sa panahon ng sakuna.”
Nagbigay rin ng paalala sina Sir Marlon Ocampo, TLE Head, at Ma’am Lurleen Tatel, na nanawagan sa lahat na isabuhay at ipalaganap ang mga kaalamang natutunan sa orientation.
Sa kanyang inspirasyonal na mensahe, sinabi ng Principal na, “Walang perpektong tao sa una,” bago ginawaran ng sertipiko sina Sir Joseph Batingan at Sir Jackie Camitoc. Ang programa ay nagtapos sa isang closing prayer na pinangunahan ni Ma’am Jeaz D.C. Campano, PhD. at sinundan ng isang group picture na sumisimbolo sa pagkakaisa at kahandaan ng PFNHS sa anumang sakuna.
Isinulat at dinisenyo ni Jseinelle Paquera ang balita, kasama ang mga kuha ni Rikilyn Deveza at Jseinelle Paquera.