
20/09/2025
TINGNAN | HALF-DAY NA TRABAHO SA GOBYERNO SA SETYEMBRE 22, 2025, AYON SA MEMORANDUM CIRCULAR NO. 96
Inanunsyo ng Malacaรฑang na suspendido ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Branch sa darating na Setyembre 22, 2025 (Lunes) simula alas-1:00 ng hapon, alinsunod sa Memorandum Circular No. 96 na inilabas ng Office of the President.
Ang naturang hakbang ay bilang paggunita sa 33rd National Family Week, partikular sa selebrasyon ng "Kainang Pamilya Mahalaga Day," na layong hikayatin ang mga pamilyang Pilipino na magsalo-salo sa hapunan at palakasin ang ugnayan sa loob ng tahanan.
Nilinaw sa memorandum na ang suspensyon ng trabaho ay para lamang sa mga tanggapan ng gobyerno sa Executive branch, at ang mga ahensiyang may kritikal na tungkulin tulad ng disaster response, health services, at iba pa ay mananatiling may operasyon.
Samantala, hinihikayat ang mga pribadong kumpanya at iba pang sangay ng pamahalaan tulad ng Legislative at Judiciary na makiisa rin sa nasabing aktibidad bilang suporta sa pagpapalakas ng pamilyang Pilipino.