30/06/2025
Pag-usbong
Nagsimula akong butil—
hindi binunton, kundi palihim na isiniksik
sa lupaing hindi pa handang tumanggap.
Walang nagsabi kung paano mabuhay
kung iba ang kulay ng dahon mo
sa mga nakapaligid.
Walang nagturo kung paano huminga
kung mismong hangin ay binabawasan.
Ngunit kahit ganoon,
lumago ako.
May araw na kinupkop ako,
ng buwan na dumudungaw sa gabi
ng aking pag-iisa.
May mga patak ng ulan na hindi sumisira,
kundi paalala na kahit ang bagyo
ay hindi wakas.
At may mga ulap
na namiminsala—
mga salita, himig, tingin,
na tila may kasamang gunting:
pinipilas ang bawat pag-amin.
Pero kahit punit ang dahon,
ang ugat ay humigpit.
At sa gitna ng unos,
napansin kong hindi lang pala ako;
may iba pang sumisibol.
Iba ibang hugis,
ibang tinig—pero iisa ang pinagmumulan:
ang pagnanasang maging buo. Totoo.
Ngayo’y narito ako—
hindi pinaka-maganda,
hindi pinaka-matatag,
pero sapat na upang sabihing:
Ako ay narito. At hindi na muling ililibing.
Ito ang panahon ng pagtubo
ng mga hinamak, ng mga itinanggi,
ng mga pinilit iguhit sa pagitan.
Panahon ito ng pamumulaklak—
hindi para sa kaniya, sa iyo
kundi para sa akin.