06/08/2024
๐๐๐๐ฒ๐ฟ๐ผ, ๐๐ฒ๐ป๐๐ฟ๐ผ ๐ป๐ด ๐๐น๐ฒ๐ฎ๐ป-๐จ๐ฝ ๐๐ฟ๐ถ๐๐ฒ ๐๐ฎ ๐๐ฎ๐ฟ๐ฎ๐ป๐ด๐ฎ๐ ๐๐๐ฏ๐ผ๐ด
Isinagawa noong ika-3 ng Agosto 2024, ang Simultaneous Kalinisan (Estero) Activity sa Barangay Bubog na dinaluhan ng mga residente at opisyal ng barangay. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng kampanya ng barangay laban sa dengue. Nagsimula ito ng alas-sais ng umaga, na pinangunahan ni Barangay Captain Don Aries Espiritu at Barangay Kagawad Charlie Ligaya, kasama ang iba pang miyembro ng Sangguniang Barangay, Sangguniang Kabataan at mga boluntaryong residente.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Kagawad Charlie Ligaya, ang pinuno ng Komite sa Kalusugan, ang kahalagahan ng kalinisan sa kapaligiran bilang isang epektibong hakbang upang labanan ang pagkalat ng dengue. "Kapag malinis ang ating mga kanal at kapaligiran, maiiwasan natin ang pagdami ng lamok na nagdadala ng dengue. Ang simpleng aktibidad na ito ay may malaking kontribusyon sa ating kaligtasan," ani Ligaya. Ang dengue ay isang sakit na dulot ng lamok na Aedes aegypti, at ang mga lugar na may naipong tubig ay nagiging pugad ng mga ito.
Samantala, sinabi ni Barangay Captain Don Aries Espiritu na ang nasabing aktibidad ay hindi lamang para sa pagsugpo ng dengue kundi para rin sa pagpapabuti ng kalagayan ng buong komunidad. "Isa itong magandang aktibidad dito sa aming barangay, lalo na ngayong umuulan at bumabaha. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, hindi lang dengue ang maiiwasan kundi pati na rin ang iba pang mga sakit na dulot ng maruming kapaligiran," dagdag ni Espiritu. Pinuri rin niya ang kooperasyon ng mga residente at hinikayat ang lahat na ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga ganitong gawain.
Nagtulong-tulong ang mga residente sa paglilinis ng mga estero at kanal, tinanggal ang mga bara at mga basurang maaaring pagmulan ng sakit. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng barangay upang panatilihing malinis at ligtas ang kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng mga ganitong gawain, umaasa ang pamunuan ng Barangay Bubog na patuloy na magiging aktibo ang kanilang mga kabarangay sa pagtataguyod ng isang malusog at maayos na kapaligiran.
Ruzzerh Jake M. Bacay, Ang SINAG