
08/08/2025
Makabagong Estratehiya sa Pagtuturo, Tampok sa LAC ng BSIS
Sa layuning pagyamanin ang kaalaman at kasanayan ng mga g**o sa pagtugon sa pangangailangan ng makabagong henerasyon ng mag-aaral, isinagawa sa Bagong Sikat Integrated School ang Learning Action Cell (LAC) session na pinamagatang “Level Up Teaching: Empowering Educators for Gen Z and Gen Alpha Learners” noong Hunyo 27 at Agosto 1, 2025.
Nakatutok ang sesyon sa pagbibigay ng makabago, makalearnar, at makataong estratehiya sa pagtuturo na umaangkop sa ugali, interes, at estilo ng pagkatuto ng mga mag-aaral mula sa Gen Z (Grades 9–12) at Gen Alpha (Grades 7–8). Inilahad sa programa ang mga paraan upang mapalawak ang paggamit ng teknolohiya, mapalalim ang critical thinking, at mapalakas ang emotional resilience at well-being ng mga kabataang kabilang sa digital generation.
Pinangunahan ni Gng. Reina Ester P. Subaba, Teacher-in-Charge / OIC Principal ng paaralan, ang unang bahagi ng talakayan hinggil sa masusing pag-unawa sa mga katangian at pangangailangan ng mga mag-aaral mula sa Gen Z at Gen Alpha. Inilatag ang mahahalagang pananaw upang matulungan ang mga g**o sa mas epektibong pagdidisenyo ng mga aralin at interbensyon.
Kasunod nito, ibinahagi ni G. Carlo E. Medrano, Master Teacher I mula sa San Jose City National High School, ang mga estratehiyang tumutugon sa digital integration sa 21st century classroom. Tinalakay ang mga praktikal na pamamaraan ng paggamit ng teknolohiya upang mapanatili ang interes ng mga mag-aaral at mapabuti ang kalidad ng pagkatuto.
Nagsilbing daan ang aktibidad sa makabuluhang palitan ng ideya at karanasan sa hanay ng mga g**o, habang pinagtitibay ang layunin ng paaralan na maghatid ng makabago, makatao, at makabuluhang edukasyon sa panahon ng mabilis na pagbabago.