03/10/2025
| Muling Nagtagisan ang Apat na Koponan sa Huling Araw ng Paligsahan ng Local Intramurals 2025.
Sa ikatlo at huling araw ng Local Intramurals 2025 sa Batangas State University The National Engineering University San Juan Campus ngayong Oktubre 3, 2025, mas lalong nagningning ang apat na koponan na kinabibilangan ng Red Radiant Orion, Blue Valiant Pegasus, Green Mighty Draco, at Yellow Luminous Lyra.
Ipinagpatuloy ang labanan sa larangan ng Call of Duty, itinanghal na kampeon ang Red Radiant Orion na binubuo nina Daniel Bernadas, Jinuel Ocampo, Rod Martin Tañedo, Raizelle Rosales, at Lexter Delas Alas, samantalang pumangalawa ang Blue Valiant Pegasus, pumangatlo ang Green Mighty Draco, at pumuwesto sa ikaapat ang Yellow Luminous Lyra.
Samantala, mainit naman ang naging tapatan sa basketball habang ginaganap ang Call of Duty. Sa elimination round ay nanaig ang Yellow kontra Green kung saan hinirang si Jersey No. 25 Jerome Andal bilang Best Player na nakapagtala ng 14 puntos.
Pagdating naman sa championship ay dalawang sunod na panalo ang naitala ng Yellow laban sa Red, 63-51 sa unang laro at hinirang naman si Jersey No. 17 Xander Tanyag bilang best player na mayroong 17 puntos, at 41-34 sa ikalawang championship game kung saan umangat si Jersey No.71 John Lloyd Cuya na kumamada ng 20 puntos.
Bilang pansamantalang pahinga mula sa basketball finals, isinagawa ang larong Pinoy na Batong Bola. Sa unang laban, nanalo ang Blue laban sa Red na may natirang limang manlalaro, habang sa ikalawa naman ay nagwagi ang Yellow kontra Green na may anim na natirang manlalaro. Pagdating sa lose-to-lose match ay nanaig ang Red kontra Green na may natirang pitong manlalaro. Sa win-to-win match naman ay muling umangat ang Yellow matapos talunin ang Blue na may natirang limang manlalaro, bago muling makuha ng Yellow ang panalo sa championship game laban sa Red na may natirang dalawang manlalaro. Higit pang ikinagalak ng lahat ang espesyal na laban sa pagitan ng Faculty at SCA Officers kung saan nagwagi ang SCA Officers na may natirang isang manlalaro habang walang natira sa Faculty, dahilan upang maghiyawan at magpalakpakan ang mga estudyante.
Nagpatuloy din ang tensiyon sa volleyball. Sa women’s division semifinals, tinalo ng Green ang Yellow sa dalawang set, 25-12 at 25-18, kung saan itinanghal na Best Player si Aliyah Quizada. Ngunit sa championship ay nanaig ang Red laban sa Green sa tatlong set, 17-25, 25-19, at 15-7, dahilan upang tanghaling Best Player si Jenny Nicole Valdez. Sa kabilang banda, sa men’s division ay nakipagsabayan ang Blue kontra Green sa isang best-of-five championship. Nakuha ng Blue ang unang dalawang set, habang bumawi ang Green sa ikatlo at ikaapat na set. Sa huli, nasungkit pa rin ng Blue ang panalo matapos ang dikdikan sa ikalimang set, 15-12, at tinanghal na Best Player si Jay-R Bajeta.
Bago matapos ang maghapon, isinagawa ang awarding ceremony sa pangunguna ng Sports’ and Culture’s Association. Dito ay pinarangalan ang lahat ng koponan at manlalarong nagwagi, kalakip ang pagbibigay ng mga sertipiko at medalya. Bukod sa mga kampeon, kinilala rin ang mga natatanging manlalaro sa pamamagitan ng special awards.
Sa basketball, itinanghal ang Mythical 5 na binubuo nina Jersey No. 23 Rustia mula sa Green, Jersey No. 03 Macatangay mula sa Blue, Jersey No. 77 Ramos mula sa Red, at mula naman sa Yellow ay sina Jersey No. 71 Cuya at No. 17 Tanyag.
Gayundin, mayroong iba't ibang special awards ang itinanghal na ang namili ay ang basketball committee.Iginawad ang Tapal King kay No. 23 Cruzat, 3 Point King kay No. 31 Pactor, Perimeter Gunner kay No. 27 Delas Alas, Most Defensive Player at Clutch King kay No. 25 Andal, King of the Board kay No. 16 Villanueva, Court General kay No. 17 Tanyag, Best Center kay No. 13 Dimayuga, The Flash kay No. 71 Cuya, at Rebound King kay No. 27 Robledo.
Sa volleyball men’s division, pinarangalan si Virtusio bilang Best Spiker, si Jay-R Bajeta bilang Best Server at Finals MVP, si Miko Viranda bilang Best Receiver, si Justine Dimabayao bilang Best Setter, at si Edizon Candor bilang League MVP.
Samantala, sa volleyball women’s division ay kinilala si Aliyah Quizada bilang Best Spiker, si Camille Remo bilang Best Server, si Jona Manalo bilang Best Setter, si Jenny Valdez bilang Finals MVP, at si Maricris Triviñio bilang League MVP.
Sa huli, naging makulay at matagumpay ang Intramurals 2025, isang patunay na sa kabila ng matinding labanan ay nangingibabaw pa rin ang diwa ng pagkakaisa, pagkakaibigan, at pagiging tunay na Red Spartan.
sa panulat ni Faye Margaurette Mendoza
mga kuhang larawan nina Denmark Sweden Hachuela, Kristine Magsino, Eric Briñoza, Jenelle Geron, Justin Bryan Ilagan, at Wilson Hernandez