22/12/2025
NEWS | Tiniyak ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na malinis nang nakalatag sa 2026 national budget ang mga infrastructure projects.
Ito'y matapos na aprubahan ng Bicameral Conference Committee ang unprogrammed appropriations na bersyon ng Kamara at bahagya pa itong tumaas ng ₱178.1 million o ₱243.4 billion mula sa ₱243.2 billion.
Matatandaang nagamit ang unprogrammed funds sa katiwalian partikular na sa maanomalyang flood control projects.
Pero ayon kay Gatchalian, lahat ng nakitang red flags sa DPWH budget at projects ay inalis na ng Kongreso sa Bicam.
Ginagarantiya ni Gatchalian na lahat ng infrastructure projects sa 2026 budget ay may kumpletong coordinates, station numbers, at local government resolutions kung saan batid na ng mga LGUs na mayroong proyektong ipatatayo sa kanilang lugar.
Sinabi pa ng senador na ito ang dahilan kaya tumagal ang pag-apruba ng Bicam sa budget dahil kinailangan pang matiyak na tama at walang lulusot na ghost projects sa pambansang pondo.
| via CONDE BATAC / DWWW 774 News Team