22/06/2025
NAWAWALANG ESTUDYANTE NG DLSU, NATAGPUANG PATAY SA CAVITE 🖤
Natagpuang patay sa Naic, Cavite nitong Sabado, Hunyo 21, ang isang law student ng De La Salle University sa Bonifacio Global City sa Taguig na nawawala simula pa noong Hunyo 8.
Huling nakitang sumakay ng Grab si Anthony Granada, 25, sa ibaba ng kanyang condominium unit sa kahabaan ng C-5 Road bandang alas-6:00 ng gabi noong Hunyo 8.
Ang Grab trip ay patungo sa Naic Town Plaza.
Ayon sa testimonya ng Grab driver, kalmado lang ang estudyante habang nasa biyahe,
Batay sa closed-circuit television footage, nakitang mag-isang naglalakad si Granada bandang 9:40 ng gabi noong Hunyo 8 rin sa kahabaan ng Lopez Jaena Bridge, ayon sa pulisya.
Nitong Sabado ng hapon, nakatanggap ang Naic police ng impormasyon na isang bangkay na nasa “advanced state of decomposition” ang natuklasan sa isang bakanteng lote sa Barangay Sapa.
Ayon sa report, nadiskubre ng mga imbestigador ang isang plastic bottle na may label na "Drain Clog Free" malapit sa labi ng binata.
Ang item na ito ay isang kemikal na produkto na karaniwang ginagamit upang alisin ang bara sa mga drainage.
Ang mga personal na gamit ni Granada, kabilang ang kanyang cellular phone at iba pang gamit, ay natagpuang lahat sa loob ng kanyang backpack.
Ang ama ni Granada na si Ricky, ay positibong kinilala ang bangkay ng kanyang anak.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Naic police upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng estudyante.
Sa isang Facebook post, hiniling ni Ricky sa publiko ang "privacy to grieve in the moment.”
(📷: Taguig City Police / Naic Municipal Police)