01/11/2025
Totoong Karanasan ko noong bata pa ako.
Ang Mga Ilaw sa Puno ng Bayabas
Nung bata ako, madalas akong maiwan mag-isa sa bahay. Kaya kadalasan, nakikitambay ako sa bahay ng kapitbahay namin para makipaglaro.
Isang hapon, habang naglalaro kami ng kaibigan kong mas bata sa akin, napaatras ako at aksidenteng naalog ang puno ng bayabas sa harap ng bahay nila. Pagkakasagi ko, bigla akong humakbang palayo—at doon ko nakita ang isang kakaibang tanawin.
Isa-isa, may mga makikislap na liwanag na parang maliliit na bituin ang lumabas mula sa puno. Lumulutang sila sa hangin, paikot-ikot sa paligid ko na parang may sariling buhay.
Kinusot ko ang mga mata ko, pero pagdilat ko, nandoon pa rin sila. Tinapik ko pa nga nang mahina ang pisngi ko, baka guni-guni lang, pero hindi sila nawala.
Nang maramdaman ko na ang takot at kaba, binugaw ko sila gamit ang kamay ko. Unti-unti naman silang nagsibalik—isa-isa silang naglaho, pabalik sa loob ng puno ng bayabas.
Agad kong tinanong ang kaibigan ko kung nakita rin niya ang mga ilaw, pero sabi niya, wala raw siyang napansin dahil abala siya sa paglalaro mag-isa.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maipaliwanag kung ano talaga ang nakita ko noong araw na iyon.