
24/09/2025
NAPAKALAKING SINKHOLE, BUMUKA SA BANGKOK, THAILAND — TRAPIKO AT OPERASYON SA OSPITAL, APEKTADO
Bangkok, Thailand — Setyembre 24, 2025
Nagulantang ang mga residente at emergency workers sa Bangkok matapos bumuka ang isang napakalaking sinkhole sa kahabaan ng Samsen Road, malapit sa Vajira Hospital.
Ayon sa mga ulat, umabot sa 50 metro ang lalim (katumbas ng 164 talampakan) ng naturang sinkhole at kumalat sa sukat na 900 metro kuwadrado sa harapan mismo ng ospital. Dahil dito, agad na ipinatigil ang trapiko sa lugar habang iniiwasan ang posibleng dagdag pang pagguho.
Sa gitna ng insidente, inilabas ng Vajira Hospital ang abiso na pansamantalang hindi ito tatanggap ng mga pasyente upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Sa isang pahayag, sinabi ni Prime Minister Anutin Charnvirakul na ang pagguho ng lupa ay dulot umano ng pagkakadulas ng lupa mula sa isang underground train construction project malapit sa lugar. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang masigurong ligtas na ang paligid at maiwasan ang muling pagguho.
Wala pang naiulat na nasaktan o nasawi sa naturang insidente, ngunit patuloy ang pagtutok ng mga emergency responders at mga city engineers upang matugunan ang sitwasyon.
-
John Heart Carlo R Laureta
1TVi News