13/01/2026
BREAKING NEWS
CDRRMO, NAREKOBER ANG BANGKAY NG ISANG 16-ANYOS NA NALUNOD
San Pablo City — Narekober ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Emergency Response Team noong Lunes, Enero 12, 2026 ang bangkay ng isang 16-anyos na lalaki na nalunod matapos tumalon mula sa isang talon sa Brgy. Sta. Catalina, lungsod na ito.
Ayon sa mga opisyal ng barangay na tumawag sa SPCDRRM Operations Center, ang biktima ay kasama ang ilang kaibigan at kamag-anak na naligo sa Prinza River. Sa kabila ng babala ng kanyang kaibigan, tumalon umano ang biktima mula sa talon na tinatayang halos 30 talampakan ang taas.
Batay sa mga saksi, nakalutang pa ang biktima matapos ang unang talon at dalawang beses pang sumisid, na tila nagpapakitang siya ay maayos. Subalit sa ikatlong pagsisid, hindi na siya muling lumutang, dahilan upang agad na ipagbigay-alam sa mga opisyal ng barangay ang insidente.
Ilang minuto matapos matanggap ang tawag, agad nagsagawa ng water search, rescue, and retrieval operations ang SPCDRRMO ERT sa tulong ng mga lokal na mangingisda. Matapos ang halos isang oras na paghahanap, natagpuan ang walang-buhay na katawan ng biktima. Siya ay dinala sa Provincial Hospital kung saan siya ay idineklara nang patay.
Samantala, pinaalalahanan ni San Pablo City Mayor Najie Gapangada ang publiko na laging unahin at sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan anumang oras at saan man, lalo na sa mga aktibidad na may kaakibat na panganib. Binigyang-diin din niya ang patuloy na commitment ng kanyang administrasyon, sa pamamagitan ng SPCDRRMO, sa pagsusulong ng kaligtasan at sa mabilis at episyenteng pagtugon para sa isang ligtas at matatag na San Pablo City.
Source: SPPF (D**g Fullo)