06/09/2025
Ako si Fidel. Bata pa lamang ako noong ako’y maulila. Kaya kinupkop ako ng aking Lolo na syang tangi ko na lamang kasama sa buhay. Nakatira lamang kami sa isang kubo sa bukid na ang tanging pinagkakakitaan namin ay ang magtanim at magbenta sa palengke.
Ang aking Lolo Jose ay nasa kanyang ika-walumpung taon na. Matanda na at malapit na, ika-nga. Pinipilit niya ako paaralin subalit napapagod na ako sa ganitong klase ng buhay ko. Lagi akong tinutukso sa paaralan dahil sa sira-sira kong bag, butas na mga mga kasuotan, at lumang sapatos na masikip na.
“Maligayang kaarawan apo!” bati ng matanda sa aking harapan sabay abot ng isang puting eroplanong papel. “Eroplanong papel na naman?!!! Ano ba ang mapapala ko sa mga papel na ito? Letseng buhay to!!!” sigaw ko sa matanda sa harapan ko habang nilulukot ang eroplanong papel na ibinigay nya. “Pasensya na apo, iyan lang ang nakayanan ko” sambit ng matanda habang nakatingin sa akin. Ibinato ko sa kanya ang nilukot kong papel at ako’y umalis na.
Buong buhay ko hindi ako natanggap ng kahit na ano sa kanya kundi basurang papel. Marahil ay hindi nya ako mahal at naturingan nga lamang na apo. Lagi nyang sinasabi na mag aral ako ng mabuti upang maging isang piloto. Paano ako mag aaral ng mabuti kung laging kamote ang baon ko tapos ay naglalakad lamang ako mula sa kubo hanggang sa paaralan?
“Kung may pagkakataon lamang na lumayas, aalis na ako!” sigaw ko sa aking sarili sa inis. Magtatapos na ako ng hayskul pero ganito pa rin ako. Hindi man lang ako nagkaroon ng isang pirasong bagong damit. “Talagang inaalipin na lamang ako ng matandang iyon, matapos kong tumulong sa bukid at magbenta. Araw-araw kami may benta at masagana ang ani, pero ni piso hindi niya ako inabutan.” reklamo ko sa aking sarili.
Dumaan pa ang ilang buwan, nagtyaga ako mag aral at magtinda ng kung ano, upang magkapera naman ako kahit papaano, nalalapit na ang aking pagtatapos sa High School at alam kong makakagraduate ako. “Apo, papasok ka na ba sa paaralan?” tanong sa akin ng matanda. Tiningnan ko ito at napansin kong may hawak itong pagkain na nasa lagayan. “Oo, at pagkagraduate ko, aalis na ako sa impyernong bahay na ito!!” sigaw ko sa matanda sabay takbo ko palabas ng bahay.
Araw na ng graduation, masayang masaya ako. Sa kabila ng paghihirap ko, makakaalis na rin ako sa amin. “Bakit nandito ang matandang yan?” sabi ko. “Congrats apo ko! Proud na proud si Lolo sayo” sabi ng matanda. “Ang swerte mo naman ‘nak sa lolo mo”, bati ng aking g**o. Ngumiti na lamang ako.
“Masaya ako apo sa narating mo, ipagpatuloy mo iyan” sambit ng matanda habang inabot sa akin ang isang eroplanong papel. Ngunit ngayon ay kakaiba ito sapagkat may kulay ang papel na kanyang nilikha. Hindi ko na iyon pinansin at itinago ko na lamang sa akin bulsa. “Umuwi ka na, mamaya pa ako uuwi. Makikipagsaya muna ako sa mga kaklase ko” sambit ko. “Sige apo, mag iingat ka palagi, huwag kalilimutan ang mga bilin ko” kaway nya habang namaalam sa akin.
Pag-uwi ko sa bahay ay nagulat ako sapagkat maraming tao. “Fidel!! Fidel!!” tawag sa akin ng aming kapitbahay. “Ikinalulungkot ko na wala na ang iyong Lolo, naparito sana ako upang bumili ng gulay. Tinawag ko sya ngunit wala tumutugon kaya naisipan kong pumasok sa loob ng bahay. Nakita ko syang nakahiga sa sahig at wala ng malay habang yakap ang litrato mo noong bata ka pa” paliwanag ni Aling Meling. May kumirot sa puso ko na hindi ko maipaliwanag.
“Halika, Fidel. Inayos ko na ang lahat para sa Lolo mo. Hindi mo alam kung gaano ka kamahal ng iyong Lolo Jose. Kung gaano ka nya ipagmalaki sa amin at sa kapwa nya tindero at tindera sa palengke.” sambit ni Aling Meling habang naiiyak. “Hindi ko po alam, wala po akong maintindihan, naguguluhan ako”, tumakbo ako palayo ng bahay at palayo kay Aling Meling. “Fidel!!! Bumalik ka!” sigaw ni Aling Meling.
Tulala akong nandito sa plaza. Kukuha sana ako ng panyo sa bulsa na mahawakan ko ang eroplanong papel na ibinigay ni Lolo kaninang umaga. Pinagmasdan ko ito at naaninaw kong tila may mga letra at nakasulat sa loob. Ibinuka ko ang eroplano ng makita kong may liham ito ni Lolo.
“Apo ko,
Mahal na mahal ka ni Lolo. Pasensya ka na kung eroplanong papel muli ang regalo ko sayo. Kung bakit hindi kita binibigyan ng pera at baon, kung bakit kita hindi binibilhan ng mga mararangyang gamit, iyon ay dahil gusto kong matuto ka na tumayo sa sarili mong mga paa. Matanda na si Lolo, kaya nais kong mamuhay ka ng mag-isa at mapamaraan sa buhay. Tanda mo ba noong bata ka pa? Sabi mo sakin pangarap mong maging piloto, magiging piloto ka apo. Pinag-ipunan ko ang pagpasok mo ng kolehiyo. Si Aling Meling mo ang napagtaguan ko sapagkat alam mo naman na makakalimutin na ako. Gusto ko apo na matuto ka sa buhay, hindi dahil sa hindi kita mahal. Mahal ka ni Lolo, Apo ko. Masaya akong nakatapos ka ng hayskul. Sana ay makatapos ka rin maging kolehiyo upang maging isang ganap na piloto. Salamat Apo at hindi mo iniwan si Lolo.
Nagmamahal,
Lolo Jose”
Ng mabasa ko ang liham at biglang umagos ang aking mga luha sa pisngi. Masakit ang aking nararamdaman na para akong dinudurog na hindi ko mawari. Umiyak ako ng umiyak habang tumatakbo pauwi.
Makalipas pa ang ilang mga taon ay nakagraduate ako ng kolehiyo at nakahanap na rin ako ng trabaho. Hawak ko ngayon ang isang papel habang ako’y sakay sa eroplanong pinagtatrabahuhan ko. Gumawa ako ng isang eroplanong papel at ibinigay sa bata na umiiyak sa gilid. Tumahan ito at ngumiti sa akin. “Kahit anong taas ng lipad ko sa eroplanong ito, hindi na kita makikita pa muli Lolo. Tama ka nga, talagang nakadestino ako sa isang eroplano, salamat po Lolo. Sana ay masaya ka sa narating ko sa buhay”, sambit ko sa hangin habang pinupunasan ang mga luha sa aking pisngi.