29/09/2025
KONSEHAL MACOY JINANG, NANALO BILANG PCL FEDERATION PRESIDENT - MARINDUQUE CHAPTER
Itinanghal na bagong Presidente ng Philippine Councilors League (PCL) – Marinduque Chapter si Konsehal Mark Angelo “Macoy” Loto Jinang ng Boac sa katatapos na PCL Election 2025.
Nakipagsabayan sa kanya ang katunggali na si Konsehal Buchi Rivamonte Rosales mula Sta. Cruz. Sa bilangan ng boto, nakakuha si Rosales ng 22, samantalang nakapagtala si Jinang ng 31 boto, dahilan upang siya’y opisyal na ideklarang panalo.
Bilang bagong halal na PCL President, si Jinang ay uupo bilang ex-officio Board Member sa Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque, kung saan inaasahan siyang magiging kinatawan at boses ng lahat ng konsehal sa buong lalawigan.
Itinuturing na makasaysayang tagumpay ang pagkapanalo ni Jinang, na pamangkin ni kasalukuyang Gobernador Melencio “Mel” Go, dahil ito’y hindi lamang personal na karangalan kundi patunay din ng kanyang malasakit at dedikasyon bilang lingkod-bayan.
Nagpaabot ng pagbati ang kanyang mga kasamahan mula sa Ika-12 Sangguniang Bayan at ilang lokal na opisyal, na umaasang mas lalo pang mapapalakas ang ugnayan ng mga konsehal at lalawigan sa kanyang pamumuno.
“Ang panalong ito ay hindi lamang para sa akin, kundi para sa lahat ng konsehal ng Marinduque. Asahan ninyo na mas masigasig nating itutulak ang mga programa para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Jinang matapos ang kanyang pagkapanalo.