20/09/2025
Opisyal na Pahayag ng Iskolarium: Pamayanan ng mga Iskolar at Pantas Hinggil sa Patuloy na Paglaganap ng Korapsyon at Iba pang Nagsusulputang Katiwalian sa Bansa
Ang Iskolarium: Pamayanan ng mga Iskolar at Pantas, bilang opisyal na publikasyon na pinagbubuklod ng iisang hangarin para sa isang tunay, demokratiko, at maka-estudyanteng pamamahala ay patuloy sa aktibong pagmamatyag sa mga suliranin mapa-loob at labas man ng PUP-Santa Maria Bulacan Campus. Kaugnay nito, mariing kinokondena ng publikasyon ang patuloy na pagsulpot ng iba’t ibang anyo ng katiwalian—korapsyon, ghost projects, at maging pagsasawalang-bahala sa hinaing ng mamamayan.
Mga Iskolar ng Bayan, mga kawani, at mga guro—mag-ingay at makialam.
Hindi lang lubog kundi lunod na ang taongbayan sa tahasang pagnanakaw ng mga tiwaling opisyal at kontratista sa perang dapat ay napakikinabangan ng lahat, hindi ng iilang bulsa lamang. Umabot na sa trilyon ang halagang nagpapabusog sa mga ganid na buwayang patuloy pa rin sa paggawa ng kabi-kabilang katiwalian. Malinaw itong manipestasyon ng burukrata kapitalismo na patuloy ang pagpapabansot sa ekonomiya at sa pagpapabagal ng usad ng pag-unlad ng ating bansa.
Batay sa datos na inilabas ng National Adaptation Plan of the Philippines (NAP), Bulacan ang mayroong pinakaraming flood control projects na may kabuuang bilang na 668. Sa kabilang banda, P545 bilyon na ang nailaan para sa flood management nitong nakaraang tatlong taon, ngunit 20% nito ay napunta lamang sa 15 contractors. Ayon sa Commission on Audit (COA) sa kanilang inspeksyon, ang ilan sa mga inaasahang flood control projects ng Bulacan ay non-existent, nasa ibang site, o substandard. Harap-harapan nang ninanakawan ang bayan. Ang mga proyektong dapat na magtutuldok sa taon-taong pagbaha sa lalawigan ng Bulacan ay hindi man lang mapakinabangan. Sa patuloy na pagbaha ng iba’t ibang pangalang sangkot sa pagbubulsa ng bilyon-bilyong pondo, mayroon ba itong patutunguhan? Panahon na upang mayroong managot!
Bunga ng kawalan nang maayos na flood management, tumaas ang kaso ng Leptospirosis at Dengue sa iba’t ibang lugar.. Ang mga pampublikong ospital ay naging siksikan na at puno dahilan ng paghantong sa pagdedeklara ng Leptospirosis surge. Perwisyo sa mamamayan at maging sa mga medical workers ang dulot ng krisis na ito na kung tutuusin ay hindi naman dapat na problemahin kung ang pondo sa flood control projects ay tunay na nagagamit at hindi kinukupit.
Dagdag pa rito, naungkat din ang planong bagong Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Santa Maria, na mayroong P380 milyong pondo. Ayon sa website ng DPWH, 100% completed na ang kontrata ngunit mga bakal pa lamang para sa pundasyon ang nakatayo sa ngayon dahil sa hindi umanong 11 milyon pang kulang na budget para sa geosynthetics. Ang naturang proyekto ay nasa ilalim ng kontrobersiyal na Great Pacific Builders and General Contractor, Inc. na pagmamay-ari ng mga Discaya. Ang inaasahang 3-storey na ospital ay pundasyon pa lamang kaya naman patuloy pa rin sa pagtitiis ang mamamayan ng Santa Maria sa nag-iisang pampublikong ospital ng bayan.
Wala ring saysay kahit isang milyong letra pa ang isalita ng mga opisyal lalo ni Marcos kung hindi maramdaman ang paggawa. Lalo pa at ang pangako ay nagmula sa bibig ng parte ng isang dinastiyang politikal na konektado rin sa pagnanakaw ng buwis na dapat ay sa bayan. Makialam at kalampagin ang mga dapat managot.
Nakikiisa ang Iskolarium: Pamayanan ng mga Iskolar at Pantas sa kolektibong panawagan ng pananagutan mula sa mga anay na patuloy sumisira sa bayan. Ipahiya ang mga kurakot. Panagutin ang mga tiwali.