13/05/2022
𝐄𝐃𝐈𝐓𝐎𝐑𝐘𝐀𝐋: 𝐀𝐍𝐆 𝟐 𝐌𝐀𝐘𝐎𝐑 𝐍𝐆 𝐒𝐀𝐍𝐓𝐈𝐀𝐆𝐎 𝐂𝐈𝐓𝐘, 𝐈𝐒𝐀𝐁𝐄𝐋𝐀
Sa katatapos lang na halalan, lumalabas na dalawa ang mayor ngayon ng Santiago City, Isabela dahil hating-hati ang boto ng mga taga-Santiago para kay Sheena Dy, ang uupong mayor na nakakuha ng botong 43,416 (as of May 11) at kay Otep Miranda, ang tinaguriang silent at people’s mayor na nakakuha naman ng 42,631 na boto.
Sa liit ng lamang, sina Sheena Dy at Otep Miranda ang dalawang pinakamaimpluwensiyang tao ngayon sa Santiago.
Kung ikukumpara ang pulitika ng dalawang mayor, si Sheena Dy ay sinuportahan ng kaniyang in-laws, ang makapangyarihang political dynasty ng Isabela na mga Dy.
Masasabing all-out ang suporta ng mga Dy sa kanilang kaanak na si Sheena mula sa makinarya, tao at pera dahil kahit hindi nangampanya si Mayor Sheena at hindi rin bumoto sa kaniyang sarili sa araw ng halalan ay nagawa pa rin nitong manalo. Isang patunay na mga Dy na ang nagpapatakbo ng pulitika dito sa ating lungsod ng Santiago.
Para naman sa tinawag na silent at people’s mayor na si Otep Miranda, sinuportahan siya ng daan-daang volunteers at inendorso ng kapatiran ng INC. Sa unang pagkakataon, nagsama-sama at nagbigay rin ng suporta ang ibang lokal na partido politikal tulad ng Team Coquilla, Team Navarro at Team Aggabao. Ang unity na ito ang naging dahilan kung bakit gahibla lang ang lamang sa pagitan nila Dy at Miranda.
Kung may mga naobserbahan ako sa halalan na ito, ‘yun ay una, napasok na ng mga Dy ang Santiago at sila na ang nagkukumpas at kumokontrol ng pulitika dito sa ating lungsod. Pangalawa, kaya palang tapatan ng sinserong pangangampanya at lakas ng volunteers ang pera. At panghuli, mulat na ang mga taga-Santiago at hand ana nilang ipaglaban ang kinabukasan ng kanilang lungsod.
Bilang isang Santiagueno at matagal nang manunulat ng balita, masasabi ko na ang halalang ito ay isa sa mga hindi makalilimutan at nakatatak na sa kasaysayan ng Santiago dahil sa unang pagkakataon ay hindi lang isa, kundi dalawa ang nanalong mayor…isang nakaupo at isang nasa puso.